Sinabi ng ilang mambabatas na ang 41 percent na suporta para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, batay sa survey ng Social Weather Stations na kinomisyon ng Stratbase Consultancy, ay sumasalamin sa lumalaking pagkadismaya ng mga Pilipino sa kanyang pamumuno at umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, “The numbers don’t lie. Ito ay hudyat ng panawagan ng publiko para sa pananagutan. Nakikita sa survey na marami ang dismayado sa mga isyung bumabalot sa Vice President.”
Sa parehong survey, 35% ang tumutol sa impeachment, habang 19% naman ang undecided. Batay sa datos, 46% ng pabor sa impeachment ay nagtuturo sa maling paggamit ng confidential funds bilang pangunahing dahilan.
Mga Kasong Isinasampa
Inilalatag ang mga reklamo laban kay Duterte sa mga paratang ng paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.
Ayon kay Deputy Majority Leader Paolo Ortega, hindi pulitika ang dahilan ng impeachment kundi ang malinaw na ebidensya, kabilang ang mga fabricated recipients tulad ng “Mary Grace Piattos.” Dagdag pa niya, ang mga Pilipino ay humihingi ng transparency at hustisya.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH