Naglabas ng temporary restraining orders (TRO) ang Supreme Court (SC) nitong Martes laban sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng diskwalipikasyon ng limang kandidato para sa nalalapit na halalan.
Sa unang en banc session ng SC ngayong taon, ipinag-utos ng korte na itigil muna ng Comelec ang pagpapatupad ng desisyon nitong ideklarang nuisance candidates sina Subair Guinthum Mustapha (Senate) at Charles Savellano (Ilocos Sur first district representative). Inatasan ng korte ang komisyon na magsumite ng paliwanag sa loob ng limang araw matapos matanggap ang abiso.
Samantala, iniutos din ng SC sa Comelec na tanggapin ang certificate of candidacy (COC) ni Chito Bulatao Balintay, isang miyembro ng indigenous peoples ng Zambales na tumatakbo bilang gobernador. Ayon sa korte, dapat bigyang-daan ang pagtakbo ni Balintay sa halalan.
Kasama rin sa mga binigyan ng TRO sina Edgar Erice, na nadiskuwalipika sa pagtakbo bilang kinatawan ng second district ng Caloocan City, at Florendo de Ramos Ritualo Jr., na nais tumakbo bilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng San Juan City. Inatasan ang Comelec na maghain ng paliwanag sa mga kaso nina Balintay, Erice, at Ritualo sa loob ng di na-extend na 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso ng korte.