Tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte ay walang kinalaman sa politika o anumang impluwensya mula sa mga grupo. Ayon sa kanya, ang Department of Justice (DOJ) ay nakatutok lamang sa merito ng kaso hinggil sa umano’y “kill threat” ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The issue is whether or not a criminal act was committed. Syempre (Of course), we have to look at it from the merit standpoint — the merits of the case or cases,” ani Remulla sa isang ambush interview.
Sa ngayon, patuloy na tinutukan ng DOJ ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) upang masuri kung sapat ang mga ebidensya para sa mas malalim na imbestigasyon sa kaso.
Paglilinaw Sa Iglesia Ni Cristo Rally
Samantala, nilinaw ni Remulla na walang epekto sa imbestigasyon ang naganap na Iglesia Ni Cristo National Day of Prayer rally. Ipinahayag niyang “We respect their freedom to express themselves, pero ang batas ay batas. Walang special favors,” at iginiit na pantay-pantay ang pagtingin ng batas sa lahat ng tao.
Royina Garma: Arresto Sa US At Posibleng Extradition
Kinumpirma ni Remulla na si Royina Garma, dating opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at malapit na aide ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay kasalukuyang nakakulong sa United States (US) matapos itong maaresto noong Nobyembre 7 sa ilalim ng Magnitsky Act. Siya ay nahaharap sa mga kasong money laundering at human rights violations.
Ayon pa kay Remulla, posibleng maghain ng political asylum si Garma sa US, ngunit duda siya kung magiging matagumpay ito. Paliwanag niya, maaari ring i-extradite si Garma pabalik sa Pilipinas dahil may interes ang US sa mga kasong may kaugnayan sa money laundering. “Kalahati ng laundered assets ay kinukuha ng gobyerno ng US bilang forfeiture,” aniya.
Kasama sa mga posibleng makumpiskang ari-arian ni Garma ang mga assets sa Amerika at isang bank account. Ayon sa DOJ, naghihintay sila ng opisyal na komunikasyon mula sa US upang masimulan ang proseso ng extradition.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial, Facebook/DOJPHofficial