Inihayag ng Malacañang na handa ang pamahalaang Pilipino na makipagtulungan sakaling humingi ng tulong ang International Criminal Court (ICC) sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang makakuha ng hurisdiksyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Pasay City, binigyang-diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nananatili ang posisyon ng Pilipinas sa pag-alis nito sa ICC. Gayunpaman, binigyang-linaw niya na dapat igalang ng bansa ang mga obligasyon nito sa Interpol.
“We have withdrawn from the ICC, membership from the ICC. And that withdrawal is already in effect,” aniya.
“Pero we have been very clear in our statements regarding this. If the ICC makes a move and courses the move through the Interpol and the Interpol makes the request to us for the arrest or delivery of the custody of a person subject to ICC jurisdiction, we will respond favorably or positively to the Interpol request,” dagdag pa ni Bersamin.
Pagtupad Sa Obligasyon Sa Interpol
Ayon kay Bersamin, kailangang igalang ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa Interpol dahil nakikinabang din ang bansa sa mga serbisyo nito sa ibang kaso.
“’Yung request ng Interpol should always be respected because Interpol is also doing us the service in other areas similar to this. So, that’s the meaning of the comity,” ani Bersamin.
Sinabi rin niya na hindi maaaring balewalain ng pamahalaan ang Interpol sakaling maglabas ito ng “red notice” laban kay Duterte. Ang red notice ay isang kahilingan sa mga ahensya ng tagapagpatupad ng batas sa buong mundo upang mahanap at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition, surrender, o kaugnay na legal na aksyon.
Pakikipag-ugnayan Sa ICC
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na nakahanda ang Pilipinas na makipag-usap sa ICC upang talakayin ang ilang aspeto ng kooperasyon kaugnay sa imbestigasyon ng drug war ng nakaraang administrasyon.
Ani Remulla sa isang panayam sa Reuters, ang dayalogo ay magaganap “soon in a very well-defined manner, in the spirit of comity.”
Nauna nang nagpahayag si Duterte ng kanyang kahandaan na humarap sa anumang parusa kung mapatunayang may sala.
“I’m willing to go to prison and rot there for all time,” aniya.
Imbestigasyon Sa War On Drugs
Sa kasalukuyan, patuloy na nangangalap ng ebidensya ang ICC kaugnay ng mga umano’y crimes against humanity na naganap sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Batay sa datos ng pamahalaan, higit sa 6,200 drug suspects ang nasawi sa mga anti-narcotics operations mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021.
Photo credit: Philippine Information Agency website, Facebook/officialpdplabanph