Matapang na nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian na tanggalin na ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga paaralan at ipalit ang Reproductive Health Education (RHE), na aniya’y mas naaayon sa batas.
Sa isang virtual briefing, iginiit ni Gatchalian na ang Republic Act No. 10354 o ang Reproductive Health (RH) Law ay nakatuon sa pagtuturo ng reproductive health at hindi ng sexuality education.
“Kung ako ang tatanungin, dapat alisin na ito at palitan na ng reproductive health education,” pahayag ng senador.
Ayon kay Gatchalian, mismong si Senador Pia Cayetano, ang principal sponsor ng RH Law, ay nagpahayag na ang orihinal na layunin ng batas ay para turuan ang mga estudyante tungkol sa reproductive health, hindi sexuality education.
DepEd, Pinalagan Ng Senador
Nanawagan din si Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na bawiin ang Department Order (DO) No. 31 S. 2018, na siyang nagpapatupad ng CSE, at palitan ito ng bagong kautusan na nakasentro sa RH education.
“DO 31 kakanselahin nila at maglalabas sila ng bagong department order revising or implementing RH education instead of the CSE,” paliwanag niya.
Sa ginanap na public hearing ng Senate Committee on Basic Education noong Martes, kung saan siya ang namumuno, binigyang-diin ni Gatchalian na may malaking pagkakaiba ang CSE at RH Law, kaya’t hindi dapat ipilit ang sexuality education sa mga paaralan.
Babala Sa CSE: ‘Lumalabag Sa Filipino Values’
Nagbabala rin ang senador na ang malabong implementasyon ng CSE ay maaaring magdulot ng kalituhan sa mga guro at estudyante. Aniya, maaaring magamit ang programa para sa mga teaching materials na hindi akma sa tradisyonal na pagpapahalagang Pilipino.
Bukod dito, binigyang-pansin din niya na maraming guro ang walang sapat na pagsasanay sa CSE, dahil hindi ito bahagi ng kanilang pre-service education.
Photo credit: Facebook/senateph