Isang malupit na puna ang ipinahayag ni Cong. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong, ang kinatawan ng 1st District ng Lanao del Sur, hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo mula sa Office of the Chief Minister (OCM) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Sa kanyang privilege speech, tinukoy ni Adiong ang seryosong isyu ng hindi tamang pamamahagi ng mga pondo ng Local Government Support Fund (LGSF) na ayon sa kanya ay naglalagay sa alanganin ang tiwala ng publiko sa pamamahala sa rehiyon.
Ayon kay Adiong, kamakailan lamang, nagsilbing alarma ang mga barangay official ng mahigit 400 barangay sa Lanao del Sur nang matuklasan nilang puno ang kanilang mga Barangay Land Bank Account ng halagang PhP 500,000 hanggang PhP 2.5 milyon. Laking gulat nila nang dumating ang mga tauhan ng Chief Minister ng BARMM at pilit na pinapirma sila upang i-withdraw ang malaking bahagi ng mga pondo, na iniwang may PhP 200,000 na lamang. “Ito’y para daw sa ;special operations.’ Hindi na ipinaliwanag anong special operations na ito,” ayon kay Adiong.
Ipinunto ng kongresista na ang Local Government Support Fund (LGSF) ay nakalaan sa ilalim ng Bangsamoro Autonomy Act No. 56, na naglaan ng PhP 6,356,000,000 para sa mga proyekto na layong mapaunlad ang kalagayan ng mga komunidad sa BARMM. Gayunpaman, ang Bangsamoro Budget Circular No. 10, na inilabas noong Mayo 24, 2024, ay may kakulangan sa mga tiyak na alituntunin patungkol sa paglabas at paggamit ng LGSF. Aniya, ang kakulangan ng mga direksyon na nakasaad sa mga circulars ay nagpapakita ng malupit na kakulangan sa transparency, pati na rin ang hindi pagkakasunod sa mga patakaran ng Department of Budget and Management (DBM).
Inihayag ni Adiong na ang mga aksyon na ito ay malinaw na paglabag sa mga probisyon ng General Appropriations Act (GAA) at Government Procurement Reform Act (Republic Act No. 9184), na nagsasaad na ang lahat ng disbursement ay dapat mayroong detalyadong plano at mga aprubadong programa. Hindi rin aniya isinagawa ang mga tamang proseso para sa competitive procurement, na nilalabag ang mga layunin ng mga nabanggit na batas.
Panawagan Para Sa Reforms At Accountability
Hinimok ni Adiong ang pamunuan ng BARMM at ang mga lokal na opisyal na magtulungan upang magpatupad ng mga reporma na magpapalakas sa accountability at transparency. “The people of Bangsamoro deserve no less than our unwavering dedication to their welfare,” ani Adiong.
Ayon kay Adiong, ang mga isyung ito ay nagsisilbing pagkakataon upang muling ipatupad ang tamang proseso sa paggamit ng pondo at tiyakin ang makatarungang pamamahagi ng mga yaman ng bayan. “Together, let us institute reforms that will safeguard public funds, strengthen accountability, and restore the confidence of our people in the government’s ability to serve their needs effectively and fairly,” dagdag pa ng kongresista.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH