Muling nagpahayag ng suporta si President Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kandidato ng Partido Federal ng Pilipino (PFP), nang tiyakin niyang mataas ang kalidad ng mga miyembro at kandidato ng kanilang partido. Sa kanyang pahayag noong Biyernes sa PFP Leaders’ Convergence Summit na ginanap sa The Manila Hotel, umasa siyang makakamtan ng partido ang “100 percent” na tagumpay sa nalalapit na halalan.
“Ganoon kataas ang quality ng miyembro at ng kandidato ng PFP… Basta kami sa leadership ng PFP sinasabi natin: walang dapat matalo dito sa ating mga kandidato dahil ‘yan ang pinakamagagaling,” wika ni Marcos.
Ayon pa sa kanya, We have gathered, I believe, the best people and the most effective public servants in the Philippines under our umbrella ngayon sa PFP at sa buong alyansa.”
Kasama sa summit ang tatlo sa mga senatorial candidates ng PFP, kabilang sina Senate Majority Leader Francis Tolentino, former Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., at former senator Manny Pacquiao.
Si Marcos, na siyang national chairperson ng PFP, ay nagtipon ng mahigit 1,300 party members, kabilang ang mga kasalukuyang opisyal at mga nagnanais maging opisyal mula sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, at iba pang mga pangunahing rehiyon. Layunin ng summit na palakasin ang kanilang mga plano para sa hinaharap.
Inaasahan din ni Marcos na makikinabang ang mga kandidato ng PFP mula sa mataas na antas ng public satisfaction na nakukuha ng kanyang administrasyon. Ayon sa kanya, ito ay magsisilbing magandang epekto sa kanilang mga kandidato, lalo na sa senatorial slate ng partido.
“Ang tunay na dahilan kung bakit ipinagsama-sama natin lahat ng nakakaunawa sa ating hangarin ng pagkakaisa upang lahat ng tutulong sa atin sa pagpapaganda ng Pilipinas ay kasama natin at mayroon tayong sariling plano, mayroon tayong isang sinusundan na hangarin at layunin para sa ating bansa,” dagdag ni Marcos.
Ang summit ay nagsilbing isang mahalagang plataporma para sa kolaborasyon at pagkakaisa ng mga lider ng PFP, upang matiyak na ang mga polisiya at inisyatiba ng partido ay tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino, alinsunod sa prinsipyo ng Bagong Pilipinas.
Photo credit: Facebook/pcogovph