Magandang balita para sa mga estudyanteng umaasa sa internet para sa kanilang pag-aaral! Malapit nang ipatupad ang 20% diskwento sa internet, mobile load, text, at tawag para sa mga kwalipikadong mag-aaral sa ilalim ng panukalang Student Load Discount Act (Senate Bill 2972).
Layunin ng panukalang batas na bawasan ang gastusin ng mga estudyante na kailangan ng online access para sa blended learning—isang kombinasyon ng harapang klase at online instruction na ngayon ay bahagi na ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayon sa datos, umabot na sa 73.6% ang internet penetration rate sa Pilipinas noong 2024, kung saan may 86 milyong internet users, karamihan ay kabataan na edad 18 hanggang 24.
Sino Ang Makikinabang?
Ayon kay Senate Majority Leader Francis ‘”TOL” Tolentino, ang may akda sa panukala, ang diskwento ay para sa mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo, maliban sa mga post-graduate students.
Upang makuha ang benepisyo, kinakailangang magpakita ng valid school ID o patunay ng enrollment. Ang diskwento ay magagamit sa buong taon ngunit limitado lamang sa mga pangangailangang pang-edukasyon.
Suporta Mula Sa Telcos
Bilang insentibo, ang mga telecommunications companies na sasali sa programa ay makakatanggap ng tax benefits upang matiyak ang patuloy nilang suporta sa inisyatiba.
Mas Maliwanag Na Kinabukasan
Binigyang-diin ni Tolentino na ang tagumpay ng programa ay nakasalalay sa pagtutulungan ng pamahalaan, mga paaralan, at telcos. Aniya, ito ay isang hakbang upang matiyak na ang mga kabataang Pilipino ay may digital tools para maabot ang mas magandang kinabukasan.
Photo credit: Philippine News Agency website