“If we really want peace, let the Bangsamoro people freely choose their own leaders through the elections in May 2025.”
Ito ang pahayag ni Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman, na mariing tinutulan ang desisyon ng bicameral conference committee na ipagpaliban ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections mula Mayo 12 patungong Oktubre 13 ngayong taon.
Ayon kay Hataman, dapat nang bigyang-laya ang mga taga-BARMM na gumamit ng kanilang sagradong karapatan sa pagboto upang makapili ng mga lider na tunay na kakatawan sa kanila.
“Hindi tayo sang-ayon sa pagpapaliban ng eleksyon dahil ito ay isang mahalagang proseso sa ating demokrasya. Dapat nang ipagkaloob sa mga mamamayan ng BARMM ang kanilang karapatang bumoto at pumili ng kanilang mga magiging pinuno,” giit ng kongresista.
Tama Na Ang Paghihintay!
Idiniin ni Hataman na sapat na ang mahigit anim na taon ng transition period sa rehiyon. Panahon na aniya para sa mga tao mismo ang maghalal ng kanilang mga lider upang mapanatili ang pananagutan ng gobyerno sa mamamayan.
“Ang eleksyon ay isang paraan upang magkaroon ng pananagutan sa mamamayan ang kung sino man ang mamamahala sa BARMM. Hindi natin pwedeng gawing normal ang patuloy na pagpapaliban ng halalan,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagkontra sa postponement, kinondena rin ni Hataman ang pagpapaikli sa termino ng mga halal na opisyal na iboboto sa Oktubre 2025.
“Ang mandato ng ating Saligang Batas ay malinaw: tatlong taon ang termino ng mga halal na opisyal sa lokal na pamahalaan. Pero sa panukalang ito, hindi nila matatapos ang kanilang full term,” giit ni Hataman.
Ayon sa bersyon ng panukala na aprubado ng bicameral committee, ang mga opisyal na mananalo sa eleksyon sa Oktubre 2025 ay manunungkulan lamang hanggang Hunyo 30, 2028 sa halip na makumpleto ang kanilang buong tatlong taon sa serbisyo.
Democracy Under Threat?
Nagbabala rin si Hataman na ang patuloy na pagpapaliban ng eleksyon ay maaaring magpahina sa demokratikong institusyon ng rehiyon.
“Ang demokrasya ay nakasalalay sa regular at malaya na halalan. Ang patuloy na pag-antala sa eleksyon ay isang maling precedent at maaaring magdulot ng kawalan ng tiwala sa ating electoral system,” aniya.
Binigyang-diin niya na walang dahilan upang palawigin pa ang transition period ng BARMM.
“Malinaw ang nakasaad sa batas na dapat may eleksyon na sa 2025. Hindi natin dapat ipagpaliban muli ang pagkakataon ng ating mga kababayan na pumili ng kanilang magiging kinatawan sa gobyerno,” dagdag pa niya.
May Mabuting Balita Rin
Sa kabila ng kanyang matigas na paninindigan laban sa postponement, ikinatuwa naman ni Hataman ang pagsama ng ilang mahahalagang probisyon mula sa bersyon ng House bill, tulad ng pondo para sa Sulu at pagtiyak na automated ang eleksyon sa BARMM.
“Bagama’t hindi tayo sang-ayon sa pagpapaliban ng eleksyon, nagpapasalamat tayo sa bicameral committee sa pagsang-ayon sa ating panukala na bigyan ng pondo ang Sulu sa 2025 mula sa block grant at tiyakin na automated ang eleksyon sa BARMM,” ani Hataman.
“Mahalaga ito para sa ating mga kababayan sa Sulu upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo at programa ng pamahalaan para sa mamamayan,” dagdag pa niya.
Photo credit: House of Representatives website