Walang balak pangunahan ng Kamara ang Senado pagdating sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“We will respect the institution of the Senate, how they will interpret ‘forthwith,’ gaano kaaga nila aktuhan ito, we will respect that,” ani Iloilo 3rd District Representative Lorenz Defensor sa isang press conference nitong Huwebes.
Pero umaasa si Defensor na tuloy ang paglilitis: “Pero sana matuloy lang ang paglilitis na ito because this is the perfect opportunity for all parties, especially the Vice President.”
Senado, May Kontrol Sa Impeachment Trial
Bilang isa sa mga itinalagang prosekutor sa impeachment trial ni Duterte, iginiit ni Defensor na ang impeachment process ay sui generis o “class of its own,” kaya iba ito sa regular na batasan.
Dahil dito, aniya, maaaring mag-convene ang Senado anumang oras, hindi na kailangang hintayin ang pagbubukas ng sesyon sa Hunyo 2.
Pero taliwas dito, sinabi ni Senate President Francis Escudero na hindi magsisimula ang impeachment trial bago mag-Hunyo dahil kailangang pag-usapan ito sa plenary session.
“The Senate President shall take proper order of the subject of impeachment,” paliwanag ni Escudero sa Kapihan sa Senado forum nitong Huwebes.
Impeachment: Bagyo Sa Politika
Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte noong Miyerkules at agad na ipinadala sa Senado. Mahigit 200 kongresista ang sumuporta sa pagpapatalsik kay Duterte, kabilang ang 215 na lumagda at nanumpa sa reklamo—ang ika-apat nang reklamo laban sa kanya mula Disyembre.
Dahil adjourned ang Kongreso para sa kampanya ng halalan, muling magbubukas ang sesyon sa Hunyo 2 hanggang Hunyo 13.
Mga Prosekutor, Papalitan O Hindi
Isa sa mga tanong ngayon ay kung mananatili ang mga prosekutor na itinalaga ng Kamara sa susunod na Kongreso. Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, depende ito sa Senate rules.
“We have to understand the Senate is a continuing body. The House of Representatives is not. If ever we have a new composition in the 20th Congress, then I think they will just elect a new set of prosecutors if ever. It does not stop the process,” paliwanag niya.
Ayon naman kay Defensor, posibleng manatili ang mga prosekutor bilang private prosecutors kung papayagan ng Senate rules sa impeachment trial.
“Kung meron po tayong isang kasamahan sa House of Representatives na hindi papalarin at hindi makakatuloy sa 20th Congress, if the Senate rules on impeachment will provide that private prosecutors can participate during the impeachment trial, then maybe they can continue as private prosecutors,” aniya.
Sino Ang Mga Prosekutor?
Itinalaga ng Kamara ang 11 miyembro bilang prosekutor sa impeachment trial ni VP Sara Duterte:
- Rep. Rodge Gutierrez
- Rep. Lorenz Defensor
- Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro
- Rep. Romeo Acop
- Rep. Joel Chua
- Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon
- Rep. Loreto Acharon
- Rep. Marcelino Libanan
- Rep. Arnan Panaligan
- Rep. Ysabel Maria Zamora
- Rep. Jonathan Keith Flores
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH