Matapang na humarap sa media si Pangalawang Pangulo Sara Duterte nitong Biyernes upang sagutin ang impeachment case na isinampa laban sa kanya. Buo ang loob niyang harapin ang mga akusasyon, iginiit ang kanyang pagiging inosente, at inamin na matagal na siyang naghahanda para sa laban na ito.
Kinumpirma ni Duterte na simula pa noong nakaraang taon ay pinaghahandaan na niya ang kanyang depensa. Bagama’t hindi pa niya nababasa nang buo ang reklamo na inaprubahan ng Kamara, tiniyak niyang abala ang kanyang legal team sa paghahanda para sa impeachment trial sa Senado na inaasahang magsisimula sa Hunyo.
Mariing itinanggi ni Duterte ang lahat ng paratang, kabilang ang paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, at pagtataksil sa tiwala ng publiko. “I did not make an assassination threat to the president. Sila lang nagsasabi nyan. Sila lang nagsasabi na may assassin, may gunman. I did not say that,” paglilinaw niya sa mga alegasyong tinangka niyang takutin ang pinakamataas na lider ng bansa.
Tatay Digong, Sasabak Ba Sa Depensa?
Isa sa mga mainit na tanong ay kung sasali ba si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang depensa. “If he wants to,” sagot ng Bise Presidente. Pero aniya, dahil sa edad ng kanyang ama, maaaring hindi ito ang mamumuno sa kanyang legal team.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay inendorso ng mayorya ng mga miyembro ng Kamara, na inakusahan siyang sa maling paggamit ng pondo bilang Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Edukasyon, pagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman, at pagbabanta laban sa mga pangunahing lider ng gobyerno.
Upang tuluyang maalis sa pwesto, kailangang makuha ng Senado ang two-thirds majority vote para mapatunayang guilty si Duterte. Samantala, patuloy na lumalakas ang suporta ng kanyang mga tagasuporta na naniniwalang ang impeachment ay isang hakbang upang pahinain ang kanyang political influence.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial