Isa sa mga pangunahing batas na isusulong ni dating senador at ngayo’y kandidato sa Senado na si Panfilo “Ping” Lacson ay ang pagbubunyag ng yaman ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno—kasama na ang Pangulo—sa pamamagitan ng pag-aalis ng kanilang proteksyon sa ilalim ng Bank Secrecy Law.
“Una kong panukalang batas at ito lagi kong unang fina-file sa bawa’t Kongreso, ang waiver ng rights sa Bank Secrecy Act ng lahat ng government officials, from the lowest clerk or janitor all the way up to the President,” pahayag ni Lacson sa isang press conference bago ang proklamasyon ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa Laoag City, Ilocos Norte noong Martes.
Ibinulgar Ang Padrino Ng Katiwalian
Sa naunang pahayag, sinabi ni Lacson na malaki ang maitutulong ng batas na ito upang agad na matukoy ang mga kahina-hinalang transaksyon sa bangko, gaya ng isyu kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kung saan iniulat na bilyon-bilyong piso ang nailipat sa kanyang mga account mula 2018 hanggang 2024.
Ang huling bersyon ng kanyang panukala, ang Senate Bill No. 26, ay inihain noong 2019 (18th Congress). Layunin nitong tanggalin ang proteksyon ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng Bank Secrecy Act, na kasalukuyang nagbabawal sa pagsisiwalat o pagsisiyasat ng bank deposits bilang pangkalahatang patakaran.
Bank Secrecy Law: Depensa Ng Kurap?
Binigyang-diin ni Lacson na madalas gamitin ang probisyon ng Bank Secrecy Act upang pigilan ang mga imbestigasyon laban sa mga opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaang nagpapayaman sa puwesto.
Sakop din ng panukalang batas ang mga miyembro ng uniformed services at government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Photo credit: Facebook/pnagovph