Mahigpit nang ipinatutupad ng Commission on Elections (COMELEC) ang bagong regulasyon sa mga kompanyang nagsasagawa ng election surveys. Lahat ng survey firms ay inaatasang magparehistro at magsumite ng kumpletong ulat ukol sa kanilang mga isinagawang survey.
Sa ilalim ng Resolution No. 11117, inilahad ng COMELEC en banc na sinumang tao, kandidato, o organisasyong gumagawa at nagpapakalat ng election survey ay kailangang magparehistro sa COMELEC-Political Finance and Affairs Department (PFAD).
“Only pre-registered entities shall be authorized to conduct and publicly disseminate election surveys… this requirement shall be applied prospectively,” saad sa resolusyon.
15 Araw Lang Ang Palugit
Sa mga survey firms na kasalukuyang nagsasagawa at nagpapakalat ng election surveys, binibigyan lamang sila ng 15 araw mula sa pagiging epektibo ng resolusyon upang tapusin ang kanilang pagpaparehistro.
“During this period, they may continue their operations, but failure to register within the prescribed timeframe shall result in the suspension of their authority to conduct and publish election surveys,” babala ng poll body.
Dapat Kumpleto Ang Ulat Ng Survey Firms
Ayon sa COMELEC, lahat ng rehistradong survey companies ay dapat magsumite ng detalyadong ulat sa PFAD sa loob ng limang araw mula nang mailathala ang survey. Kailangang isama ang impormasyon kung saan ito inilathala.
Para naman sa mga istasyon ng telebisyon, radyo, at online platforms, ipinag-uutos na isama sa publikasyon ang pangalan ng entity na nagsagawa ng survey, pati na rin ang mga nagpondo rito—kandidato, partido, o organisasyon.
Bantay-sarado Para Sa Transparency
Ipinunto ng COMELEC na kailangang mahigpit na bantayan ang election surveys dahil sa kanilang malaking epekto sa desisyon ng mga botante.
“This requirement shall also apply to survey firms publishing their materials online, including through social media platforms,” diin ng ahensya.
Paglabag = Election Offense
Babala ng COMELEC, sinumang hindi susunod sa bagong regulasyon ay maaaring mapatawan ng election offense—na may kaukulang parusa ayon sa umiiral na batas.