Binanatan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanya umano’y kabiguang protektahan ang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), na patuloy na malaking problema ng bansa hanggang ngayon.
Sa panayam sa Radyo Pilipinas, binigyang-diin ni Enrile na bagama’t malapit si Duterte kay Chinese President Xi Jinping, hindi niya nagawang tiyakin ang pambansang interes ng bansa sa WPS.
“Si Presidente Digong, presidente na ‘yan na malapit kay Xi Jinping, malapit sa Beijing sa Tsina. Ngunit doon sa panahon niya, mayroon tayong peaceful relations sa China pero hindi niya naayos ang national interest natin sa West Philippine Sea kaya hanggang ngayon, problema,” ani Enrile.
Ayon kay Enrile, hindi naman nawala sa Pilipinas ang kontrol sa WPS, ngunit patuloy ang panggigipit at panghihimasok ng China. Ang masaklap, wala aniyang sapat na kakayahan ang bansa upang harapin ito sa militar na paraan.
“‘Yung mga karapatan sa mga isla nandiyan pa rin kaya lang wala tayong puwersa na sapat para kunin ng matinding harapan ang Tsina sapagkat wala tayong kakayahan para makipag-giyera sa Tsina. Kaya wala tayong magagawa ngayon,” dagdag pa niya.
Paghingi Ng Tulong Sa Amerika
Iminungkahi rin ni Enrile na maaaring lumapit ang Pilipinas sa Estados Unidos, kung kinakailangan, lalo na’t may bisa pa ang 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa.
Bukod dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng seguridad sa hilagang Luzon upang protektahan ang Philippine Rise, na sagana sa likas na yaman tulad ng langis, gas, at mineral.
“We have to provide a security cover for the northern portion of Luzon because we own Benham or Philippine Rise. It is not being developed now, but that Philippine Rise is a potential source of energy for us,” sabi ni Enrile. “We have to provide the security for it because China is eyeing that place. China needs the Philippines very badly.”
Sa patuloy na tensyon sa West Philippine Sea at ang lumalaking interes ng China sa yaman ng bansa, iginiit ni Enrile na kailangang magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang tiyakin ang pambansang seguridad at proteksyon sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, Presidential Communications Office website