Hindi pa tapos ang laban ni dating senador at ngayo’y kandidato sa pagka-alkalde ng Caloocan na si Antonio Trillanes IV. Muling nagbigay ng matinding dagok si Trillanes sa kampo ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, matapos siyang maghain ng supplemental affidavit sa Department of Justice nitong Lunes upang palakasin ang kasong drug smuggling na isinampa niya laban sa kongresista, dating Customs chief Nicanor Faeldon, at abogado na si Mans Carpio.
Ang kaso ay may kaugnayan sa kontrobersyal na P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment na nasabat sa Valenzuela City noong 2017.
Kapit Tibay Na Ebidensya
Ayon kay Trillanes, kasama sa bagong ebidensya ang mga nakalap sa pagdinig ng House of Representatives quad committee (quadcom).
“Nadinig natin sa quadcom, si Mark Taguba na sinasabi niya na nagbibigay sya ng pera ng protection kay Pulong Duterte, tapos napili sya to import itong shabu. So, ultimately it leads to Mr. Pulong Duterte,” ani Trillanes.
Dagdag pa niya, ang ebidensyang ito ay ginamit din mismo ng prosekusyon para madiin at mahatulang guilty si Taguba sa kaso.
“Ito ‘yung the whole evidence na ginamit ng prosecution to convict Mark Taguba. In addition to that, the affidavit of Mark Taguba and Jimmy Guban to reinforce and validate the involvement ni Pulong,” wika pa ni Trillanes.
Taguba At Mga Kasabwat, Hatol: Guilty
Sa 37-pahinang desisyon na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 noong Nobyembre 18, 2024, napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina negosyanteng Mark Taguba, Eirene Mae Tatad, at Dong Yi Shen (alias Kenneth Dong) sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Matatandaang noong Mayo 26, 2017, sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ilang warehouse sa Valenzuela City at natuklasan ang 605 kilo ng shabu
Ayon sa mga ulat, nakalusot ang shipment sa alert system ng BOC at diretsong dumaan sa “green lane”, isang kategoryang nagpapahintulot sa mga imported goods na hindi na sumailalim sa physical inspection at dokumentong beripikasyon!
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, Facebook/HouseofRepsPH