Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema (SC) ang Kongreso kaugnay ng petisyong inihain ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng kanyang impeachment.
“The SC required respondents House of Representatives, its Secretary General Reginald Velasco, and the Senate to comment on the petition within a non-extendible period of 10 days from notice,” ayon kay SC spokesperson Camille Ting.
“There is no TRO (temporary restraining order) in the meantime,” dagdag ni Ting.
Matatandaang naghain si Duterte ng petisyon para sa certiorari at prohibition noong Pebrero 18, na may kasamang kahilingan para sa TRO, upang mapawalang-bisa ang ikaapat na impeachment complaint laban sa kanya.
Iginiit niya na labag sa Saligang Batas ang nasabing reklamo na isinampa ng 215 miyembro ng Kamara noong Pebrero 5, dahil nilalabag nito ang probisyong nagbabawal sa higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.
Bukod dito, hiniling din ni Duterte sa Korte Suprema na ipatigil ang Senado sa pagsasagawa ng impeachment trial.
Samantala, ang impeachment complaint laban kay Duterte ay naglalaman ng mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang matitinding krimen.
Photo credit: Supreme Court of the Philippines website