Klarong sinabi ni Senate President Francis Escudero nitong Martes na hindi agad magsisimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, taliwas sa mga espekulasyon.
Sa isang press conference sa Sorsogon, binigyang-diin ni Escudero na ang pinakamaagang petsa para sa paglilitis ay sa Hulyo 29 o 30 pa, matapos ang pagbabalik ng sesyon ng Senado kasunod ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 28.
“The earliest possible trial date would be July 29 or 30, after the Senate resumes (sessions) following President Ferdinand (R.) Marcos Jr.’s State of the Nation Address (SONA) on July 28,” ani Escudero.
Paliwanag niya, kahit naisampa ang impeachment complaint bago mag-adjourn ang Kongreso noong Pebrero 5, hindi ito maaaring umusad hanggang sa pagbabalik ng mga mambabatas sa Hunyo 2.
Aabutin naman ng Hunyo 30 ang pre-trial process gaya ng pagpapadala ng summons at palitan ng pleadings, kasabay ng pagtatapos ng termino ng 12 senador. Kaya naman, ang 20th Congress ang inaasahang hahawak sa malaking bahagi ng paglilitis.
“We must finalize impeachment rules, administer oaths for impeachment judges, and ensure due process is upheld. This is a legal and constitutional process — not a rushed political maneuver,” dagdag niya.
Escudero: Wala Akong Interes Sa VP O 2028
Mariin ding itinanggi ni Escudero ang mga haka-hakang siya ang papalit kay Duterte sakaling matanggal ito sa puwesto. Ayon sa kanya, hindi awtomatikong ang Senate President ang susunod sa Bise Presidente.
“It’s a misconception that the Senate President is next in line. The President selects a replacement, who must be confirmed by both houses of Congress,” paliwanag niya.
Tahasang itinanggi rin niya ang posibilidad na tumakbo bilang bise presidente o pangulo sa 2028 elections.
“I have no interest in running for vice president or president. I’ve spent nearly 30 years in politics, I’d rather step back and let others take the lead,” ani Escudero.
Impeachment Case, Di Banta Sa National Security
Pinabulaanan din ni Escudero ang mga pangambang maaaring magdulot ng kaguluhan sa bansa ang impeachment ni Duterte.
“If she’s innocent, she has nothing to fear. The Senate and House of Representatives are simply doing their jobs, ensuring accountability,” aniya.
Itinanggi rin niyang may impluwensiya ng ibang bansa, lalo na ng Estados Unidos, sa impeachment case, at sinabing walang kapani-paniwalang ebidensiya na sumusuporta sa gayong mga pag-aangkin.
Pogo Ban, Pero PIGO Legal
Samantala, muling iginiit ni Escudero ang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil sa mga ilegal na aktibidad at banta sa seguridad ng bansa.
Ngunit binanggit niya na ang Philippine Inland Gaming Operations (PIGO), na nakatuon sa mga lokal na manunugal, ay nananatiling legal.
“If POGO is harmful for foreigners, is PIGO beneficial for Filipinos? That’s the next issue we need to study,” tanong niya.
Tulong Pinansyal, Di Dapat Ipatigil
Tungkol naman sa pamamahagi ng ayuda sa panahon ng eleksyon, ipinagtanggol ni Escudero ang patuloy na implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
“Financial aid did not begin under this administration, it started during President Benigno Aquino III’s term, was continued by Rodrigo Duterte, and is ongoing under Marcos,” aniya.
Ipinunto rin niya na dati siyang pinagbawalang mamahagi ng ayuda bilang gobernador tuwing eleksyon, pero binago na ng Commission on Elections (Comelec) ang panuntunan. Ngayon, bawal lang ang pamimigay ng tulong sa loob ng 10-day election ban.
West Philippine Sea: Diplomasya Lamang, Walang Digmaan
Tungkol naman sa tensyon sa West Philippine Sea, mariing tinutulan ni Escudero ang ideyang gumamit ng puwersang militar, kasabay ng pagsuporta sa diplomatikong solusyon.
“The Philippines renounces war as an instrument of policy. Surveys show zero percent of Filipinos support armed conflict over the dispute. Diplomacy remains our only option,” aniya.
Suportado rin niya ang hakbang ni Marcos na palakasin ang alyansa ng Pilipinas sa ibang bansa upang pigilan ang patuloy na panghihimasok ng China.
Photo credit: Facebook/senateph