Isang party-list congressman ang umalma sa diumano’y maanomalyang “ghost beneficiaries” sa Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd), na posibleng umabot sa milyun-milyong pisong pandaraya mula 2016 hanggang ngayon.
Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, dapat agad na magsagawa ng joint motu proprio inquiry ang House Committees on Basic Education and Culture at Good Government and Public Accountability upang siyasatin ang mga ulat na ilang pribadong paaralan ang nagpapasok ng pekeng estudyante upang makinabang sa pondo ng gobyerno.
“Hindi lang pera ng bayan ang nawawala, pati tiwala ng mga tao sa ating sistema ng edukasyon ay nasisira,” babala ni Bongalon.
Mga Pekeng Estudyante, Sinimulan Noong 2016?
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula umano ang modus noong 2016 sa ilalim ng administrasyong Duterte at nagpatuloy sa pamumuno ng kanyang anak na si dating DepEd Secretary at ngayo’y Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Bongalon, nagkulang sa mahigpit na pagbabantay at oversight ang DepEd, dahilan kung bakit lumala ang problema.
“Ilang taon na pala ang ghosting modus na ito, pero bakit parang napabayaan na lang na magpatuloy? Kailangan nating silipin kung nasaan ang butas at sino ang dapat managot,” giit niya.
P52-M Peke Umanong Enrollees, Tinutukoy Ng Deped
Sa ilalim ng pamumuno ni DepEd Secretary Sonny Angara, sinimulan na ang internal probe sa 12 pribadong paaralan sa siyam na dibisyon na sangkot umano sa pagsumite ng pekeng enrollees. Tinatayang higit P52 milyon ang posibleng nawala sa kaban ng bayan sa loob lamang ng school year 2023-2024.
Ngunit iginiit ni Bongalon na bukod sa internal probe ng DepEd, dapat ding magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso upang magkaroon ng mas malalim na pagsisiyasat at makabuo ng batas na magpapatibay sa seguridad ng SHS voucher program.
“Mas mabuti kung may masusing imbestigasyon mula sa lehislatura para malaman natin ang lahat ng anggulo, pati na rin ang role ng mga opisyal na dapat sana’y nagbabantay sa programang ito,” dagdag pa ni Bongalon.
Shs Voucher Program: Dapat Bantayan!
Ang SHS voucher program ay naglalayong magbigay ng ayuda sa mga estudyanteng nais mag-aral sa pribadong senior high schools. Nagsisimula ang subsidiya sa PHP14,000 at maaaring umabot hanggang PHP22,500, depende sa lokasyon ng paaralan.
Dahil dito, nagbabala si Bongalon na kailangang mahigpit ang oversight upang matiyak na tunay na estudyante ang tumatanggap ng benepisyo at hindi lamang “ghost beneficiaries” na nilikha upang makapagnakaw sa kaban ng bayan.
“Ang SHS voucher program ay magandang programa, pero kung madaraya ito, nasasayang ang budget,” aniya.
“Hindi biro ang pinag-uusapan dito — pondo ito ng bayan na dapat sana’y para sa edukasyon. Kung hahayaan lang nating tuluyang mamayagpag ang mga gumagawa ng katiwalian, sino pa ang sasandalan ng mga estudyanteng tunay na nangangailangan?” tanong ni Bongalon.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH