Isang matinding balasahan ang nagaganap sa Presidential Communications Office (PCO) matapos ipag-utos ng Malacañang ang agarang pagsumite ng courtesy resignations ng lahat ng opisyal bago matapos ang Pebrero.
Kinumpirma mismo ni bagong talagang PCO Secretary Jaybee Ruiz nitong Sabado na inatasan ang lahat ng kasalukuyang opisyal ng PCO na magsumite ng kanilang resignasyon bago o hanggang Pebrero 28.
Ayon kay Ruiz, batay ito sa isang memorandum na inisyu ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Pebrero 25, kung saan kinakailangang magbitiw ang lahat ng PCO officials na naitalaga bago ang kanyang panunungkulan.
“[I]n the exigency of service and in order to give the new PCO Secretary a free hand in performing his dutes and functions,” ayon sa nasabing kautusan.
Lahat Ng Itinalagang Opisyal Apektado!
Sakop ng nasabing memorandum ang lahat ng presidential appointees sa iba’t ibang ahensya, opisina, at tanggapan sa ilalim ng PCO. Kasama rin dito ang mga opisyal ng government-owned or -controlled corporations (GOCCs) na naka-attach sa ahensya at may acting o holdover status.
“The above directive shall apply to (a) all Presidential Appointees in agencies, offices, and bureaus under the PCO whose appointments are not permanent and (b) all Presidential appointees in GOCCs attached to PCO whose appointments are in acting capacity, as well as those who are in holdover status,” bahagi ng memorandum.
Habang hindi pa ito tinutugunan ng Pangulo o ni Bersamin, ang lahat ng sakop na opisyal ay inaatasang magpatuloy sa kanilang trabaho at gampanan ang kanilang tungkulin hanggang sa may ipag-utos na bagong kautusan.
Kasabay nito, ipinag-utos din ng Malacañang kay Ruiz na tiyaking maipapaabot sa lahat ng apektadong opisyal ang kautusan ng Palasyo.
Matatandaang si Ruiz ay nanumpa bilang bagong PCO Secretary noong nakaraang linggo, kapalit ni dating kalihim Cesar Chavez. Ngayon, hawak niya ang responsibilidad na siguraduhing susunod ang lahat ng apektadong opisyal sa kautusan.
Photo credit: Philippine Information Agency website