Siguradong may mananagot Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may mga “gugulong na ulo” matapos bumagsak ang bagong retrofit na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, ayon sa Malacañang nitong Sabado.
“Nagkausap kami ni Pangulo kahapon regarding this. Ito talaga ay papa-imbestigahan,” pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa Radyo Pilipinas’ Prangkahan Na! program.
Imbestigasyon Sa Korapsyon, Sisimulan
Mariing iginiit ni Castro na hindi palalampasin ng gobyerno ang anumang bahid ng katiwalian sa insidenteng ito.
“Kung may bahid man ng korapsyon sa nangyaring ito mula pa noong 2014 hanggang sa ngayon, kung meron man, hindi talaga puwedeng hindi managot. Iyan ang sagot ng Pangulo, lalo na kung may bahid ng korapsyon,” ani Castro.
Idiniin din niya na hindi ito isang ordinaryong kaso at kinakailangang alamin ang tunay na dahilan ng pagguho. Kasabay nito, binigyang-diin niyang tungkulin ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang integridad ng tulay at makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung may problema.
‘Dapat May Makulong’
“Kapag nalaman natin kung sino ang merong pagkakamali dito at may bahid nga ng korapsyon, kung may bahid ng korapsyon ay dapat may managot, makulong,” giit ni Castro.
102 Tons Na Truck, Nagpalugso Ng Tulay
Bumigay ang pangatlong bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge na may sukat na 60 metro dakong alas-8 ng gabi noong Huwebes matapos dumaan ang isang dump truck na may kargang mga bato na tinatayang tumitimbang ng 102 tonelada.
Ayon sa mga ulat, anim na katao mula sa apat na sasakyang bumagsak kasama ang tulay ang nagtamo ng mga sugat, kabilang ang isang bata.
Tulay Na 11 Taon Ginawa, Bumagsak Lang?
Nagsimula ang konstruksyon ng tulay noong Nobyembre 2014 at natapos noong Pebrero 1, 2025 sa halagang PHP1.22 bilyon, kasama ang mismong tulay at ang mga daanan papunta rito. Ang proyekto ay isinagawa ng R.D. Interior, Jr. Construction.
DPWH Naghahanap Ng Sagot
Ayon sa DPWH, kasalukuyang isinasagawa ang malalimang pagsusuri upang matukoy ang dahilan ng pagbagsak. Hiningi na rin ng DPWH Region 2 (Cagayan Valley) ang tulong ng Bureau of Design at Bureau of Construction mula sa kanilang central office upang magsagawa ng karagdagang ebalwasyon at pagsusuri.
Photo credit: Department of Public Works and Highways website