Magandang araw mga KapNoy (Kapwa Pinoy)! Matagal-tagal ding hindi nakapaglathala. Itong mga nakaraang habagat ay nakaabala sa pagsusulat.
Nitong nakaraang linggo, naging trending sa mga Makatizen ang video ni Mayora Abby Binay. Ako’y napapanood, aba! rying mayora! Subukan n’yong panoorin.
https://www.facebook.com/MyMakatiVerified/videos/944206396662212
Ikaw man ang mawalan ng sampung barangay, ay talagang maiiyak ka!
Ang haltakan ng Taguig at Makati ay tinuldukan ng Supreme Court (SC) decision – sampung barangay sa district 2 ay magiging bahagi na ng Taguig City. Si Ka Embo, pamilya n’ya, mga kamag-anak, mga kaibigan at ka-barangay, ay magiging hindi na Makatizen. Lahat sila ay magiging tagilid na, este… taga-Taguig City na.
Siyempre, napa-usyoso ako sa sandamakmak na mga comments. Aba’y hindi lamang si Mayora ang naiyak, kadaming mga magiging ex-Makatizens ay nag-iiyakan din.
Hindi na makatatanggap ang mga estudyante ng sapatos na Air Binay, si lolo’t-lola wala nang birthday cake, at samu’t-saring mga benepisyo ng isang Makatizen – baka raw tagilid nang matanggap din nila mula sa bagong siyudad na kabibilangan na nila.
Ang mga basura ba nila ay araw-araw pa ring makokolekta?
Ako’y hindi dalubhasa sa batas. Ang desisyon ng SC ay sigurado akong nakabatay sa batas.
Sa aking mababaw na pananaw mga KapNoy, kahirap arukin ng dahilan ng haltakang naganap.
Ako’y magmamarunong lang saglit. Ang batas ay gawa ng tao. Mga desisyong nabuo ng mas nakararami at napagkasunduang pairalin bilang gabay ng lahat. Ang mga ito ay napapalitan ayon na rin sa desisyon ng mga mas nakararami.
Sa pag-usyoso ko sa mga comments sa video, maraming “ex-Makatizens” ang nananawagan ng plebesito tungkol sa usaping agawan ng mga barangay. Magbotohan daw ang mga apektadong residente – Makatizen pa ba sila o taga-Taguig na?
Makatwiran at makatarungan ang panawagang ito. Pwedeng pagbigyan. Baka rin kasi paso na ang mga katwirang nakasaad sa batas na pinag-basehan ng desisyon ng SC. At napapanahon na muling pakinggan ang boses ng mga mamamayan, upang ang lumang batas ay mapatunayang makabuluhan pa sa panahong ito, o mabago na ayon sa damdamin, pananaw, at desisyon ng nakararami.
Plebesito. Magandang masubaybayan kung pagbibigyan ang mga nananawagan nito. Mas lalong masarap subaybayan, sakaling mapagbigyan ito, kung ano na ang tunay na nasa puso’t isipan ng mga nadesisyunang “ex-Makatizens”.
Abangan po natin kung may mga susunod na kabanata pa ang haltakan.
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of Politico.ph.