Tila todo-kayod ngayon ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos upang gawing abot-kaya ang bigas para sa mga mamimiling Pilipino matapos ianunsyo ng Department of Agriculture (DA) na nakatakda ang paglulunsad ng Rice for All-program sa apat na Kadiwa sites simula ngayong Huwebes, Agosto 1.
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa ilalim ng nasabing programa, ang commercial well-milled rice ay ibebenta sa halagang P45 kada kilo tuwing Huwebes hanggang Sabado sa mga sumusunod na lugar: Food Terminal Inc. sa Taguig City; Bureau of Plant Industry (BPI) sa Maynila, Potrero, Malabon; at Llano Road sa Caloocan.
“Isa ito sa mga hakbangin ng ating pamahalaan na mapababa yung epekto ng food items sa inflation natin. So, mapababa yung mga presyo, and of course, mahila ito yung presyo rin sa pamilihan,” aniya.
Dagdag pa ni de Mesa, ang presyo ng imported commercial well-milled rice ay maglalaro sa presyong P51 kada kilo hanggang P55 kada kilo habang ang lokal na well-milled rice naman ay papalo mula PHP45 kada kilo hanggang P55 kada kilo.
Nagtakda rin ang nasabing kagawaran ng 25 kilo na pang-araw-araw na limitasyon sa pagbili sa bawa’t mamimili upang maiwasan ang pang-aabuso ng mamimili.
Ayon pa sa DA official, ang pangmatagalang rollout ng Rice-for-All program ay posible kung isasaalang-alang ang supply nito na magmumula sa parehong farmers cooperatives and associations o FCAs at sa mga pribadong mangangalakal.
Plano rin ng Agriculture department na palawakin ang nasabing programa sa Visayas at Mindanao ngayong Agosto o sa darating na Setyembre ngayong taon.