Itinatag ni Pangulong Bongbong Marcos ang Special Committee on Human Rights Coordination na naglalayong itaguyod at pangangalagaan ang mga karapatang pantao sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 22 na nilagdaan ni Marcos noong May 8, 2024, itataguyod ang dignidad ng bawat indibidwal at titiyakin ang buong paggalang sa mga karapatang pantao, gaya ng nakasaad sa Konstitusyon at iba’t ibang international agreements.
Binabanggit ng kautusan ang Seksyon 11, Artikulo II, at Seksyon 12, Artikulo III, ng Konstitusyon, na nagbibigay-diin sa patakaran ng Estado na pahalagahan ang dignidad ng tao at ipagbawal ang anumang anyo ng pang-aabuso o pamimilit sa panahon ng mga imbestigasyon. Kinikilala din nito ang pangako ng Pilipinas bilang State Party sa mga international human rights instruments.
Kinikilala nito ang pakikipagtulungan sa United Nations (UN) sa pamamagitan ng Joint Program on Human Rights para sa capacity-building sa pagpapatupad ng batas, criminal justice, at policy-making.
Ang kautusan ay lumilikha ng Special Committee on Human Rights Coordination sa ilalim ng PHRC, na pinamumunuan ng Executive Secretary at co-chaired ng Justice Secretary. Samantala, tatayo bilang miyembro ng kumite ang mga kalihim ng Foreign Affairs and Interior and Local Government.
Tungkulin din ng kumite na palakasin ang mga mekanismo para sa proteksyon ng mga karapatang pantao, pag-alalay sa mga pagsisikap ng gobyerno, pagpapadali sa pag-access sa mga mekanismo ng pagtugon para sa mga biktima, pagsubaybay sa pagpapatupad ng patakaran, pagbibigay ng technical support, at pagsusumite ng mga taunang ulat sa Pangulo sa pamamagitan ng PHRC.
Lahat ng ahensya ng gobyerno, local government units, at pribadong sektor ay inaatasan o hinihikayat na suportahan at makipagtulungan sa kumite sa pagpapatupad ng mandato nito.
Photo credit: Facebook/pcogovph