Nais ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na masampahan ng impeachment complaint si Vice President Sara Duterte. Sa isang statement, sinabi ni Bayan Secretary General Mong Palatino na “necessary” ang pag-file ng impeachment complaint dahil kailangang maging accountable ang bise sa mga alegasyon ng misuse of funds laban sa kanya.
Sinabi pa ni Palatino na ang pag-iwas ni Duterte sa mga katanungan ukol sa confidential fund (CF) ng Office of the Vice President (OVP) ay sapat para may maghain laban sa kanya ng impeachment complaint.
“Impeaching Sara Duterte is necessary to hold an erring official like her accountable for committing grave offenses that betrayed public trust. Her anomalous spending of confidential funds in 2022 and 2023, the irregularities in the distribution of funds during her term as education secretary, and her refusal to answer queries about these issues during the budget hearings are enough basis to remove her from office,” saad ni Palatino.
Dagdag pa ni Palatino, crucial ang pag-impeach kay Duterte para sa pagpapanatili ng transparency at accountability sa pamahalaan. Ito raw ang magsisilbing babala sa mga corrupt officials na hindi ibig sabihin na nahalal sila ay may karapatan na silang gumawa ng serious misconduct habang nanunungkulan.
Ang tinutukoy ni Palatino ay ang pagdinig noong Agosto 27 ng House of Representatives committee on appropriations, kung saan sumagot si Duterte sa mga tanong ng mga mambabatas sa pamamagitan ng pagsasabing maaari niyang talikuran ang pagkakataon na ipagtanggol ang budget ng OVP sa isang question-and-answer format, o tiyakin na nakipag-ugnayan na sila sa Commission on Audit (COA) tungkol sa notice of disallowance.
Tinutukoy ng panel ang paninindigan ni Duterte na dapat maging pangunahing focus ng mga talakayan ang iminungkahing budget ng OVP para sa 2025. Gayunpaman, sinabi ng mga mambabatas na mahalaga at may kinalaman ang kung paano ginastos ng OVP ang mga nakaraang taunang allocation para sa pagbuo ng budget para sa susunod na taon.
Photo credit: Facebook/BAYANPhilippines?locale=tl_PH, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH