Inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa Gulf Synergy Employment Inc. at mga empleyado nito na responsable sa pagkamatay ng Filipino domestic helper na si Jovelyn Tang Andres.
Ayon kay Tulfo, na chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, pumalpak ang Gulf Synergy sa tungkulin nitong subaybayan at tiyakin ang kaligtasan ni Andres, na nakaranas ng pangaabuso sa Saudi Arabia bago namatay.
“Mayroong nabuwis na buhay dahil sa Gulf Synergy Employment, Inc. Hindi lang suspensyon, kailangan masampahan din ng kasong kriminal ang mga taong naging dahilan ng pagkamatay ng isang OFW (overseas Filipino workers” dahil sa kanilang kapabayaan.
“Bagamat inamin ng Gulf Synergy ang kanilang pagkakamali at humingi ng pasensya, hindi na nito maibabalik ang buhay ni Jovelyn. Panahon na para managot ang mga pabayang ahensya,” aniya sa isang pahayag.
Sa pagdinig ng Komite kamakailan, sinabihan ni Tulfo si Gulf Synergy President Arnulfo Babiera na ipaliwanag kung bakit nagpabaya sila sa tungkulin na i-monitor ang kalagayan ni Andres.
Sinabi ni Babiera na hindi niya alam ang sitwasyon ni Andres bago ito namatay, ngunit inamin niya na talagang nabigo silang i-monitor ang kanyang sitwasyon dahil hindi umano rumeresponde sa kanilang mensahe ang foreign recruitment agency.
Pumunta si Andres sa Saudi Arabia matapos ma-recruit mula sa Saranggani ng isang nagngangalang Emma Fernandez, na ahente ng Manabe Aleklas Recruitment Agency, ang counterpart ng Gulf Synergy sa Saudi.
Kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Toots Ople na mayroon nang malinaw na paglabag sa batas patungkol sa recruitment ni Andres dahil ang isang foreign recruitment agency tulad ni Manabe ay hindi pwedeng direktang mag-recruit ng mga manggagawa mula sa Pilipinas.
Ayon sa mga ahensya ng gobyerno at kapwa OFWs, nalaman lang ng amo ni Andres ang pagbubuntis niya noong nasa Saudi na siya, dahilan para ibalik siya sa Manabe.
Sa halip na tulungan siya ng mga taga-Manabe, hinaluan umano ng gamot ang kanyang pagkain at inumin para ipalaglag ang sanggol nang walang pahintulot. Ibinenta pa ng Manabe si Andres sa tatlong magkaibang amo sa kabila ng kanyang pakiusap na bumalik na lang sa Pilipinas.
Napag-alaman sa autopsy report na si Andres ay namatay dahil sa asphyxia by ligature. Sinabi ng isang psychologist na malaki ang posibilidad na nagpakamatay si Andres dahil sa post-partum depression.
Dahil sa mga pangyayari, inirekomenda rin ni Tulfo ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Fernandez, Manabe, gayundin sa kanyang mga dayuhang amo.
“Eto pong si Emma Fernandez, na isang illegal recruiter, dapat ay masampahan din ng kasong kriminal. Now, meron po kaming balita, na papunta po siyang Saudi sa Friday. Baka pwede sigurong mapigilan muna sya dahil haharap pa siya sa kasong illegal recruitment. Ayokong makawala ito,” aniya.
Sinabi ni Ople kay Tulfo na tutulong sila sa paghahanap kay Fernandez at papanagutin ito sa kanyang krimen. Sa kaso naman ng mga dayuhang employer at Manabe, sinabi ni Ople na nagtatayo na sila ng joint technical group kasama ang Ministry of Social Resource and Social Development sa Saudi upang matiyak na makakagawa ng kaukulang aksyon laban sa kanila.
Kinwestyon din ni Tulfo ang patuloy na operasyon ng Gulf Synergy sa ilalim ng ibang pangalan (Time Express Manpower) kahit na supendido na ang lisensya nito.
Ani Tulfo, sinubukan ng isa sa kanyang staff na magmessage sa Facebook Page ng Gulf Synergy at mga indibidwal na taong konektado dito, at ang staff nya ay nakatanggap ng tugon na ang recruitment ng mga OFW ay patuloy pa rin, ngunit sa pagkakataong ito sa ilalim ng Time Express Manpower.
Dahil dito, inutusan ni Tulfo si Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia na mahigpit na subaybayan ang mga recidivists tulad ng Time Express Manpower na nagtatayo ng bagong ahensya gamit ang ibang pangalan sa gitna ng kanilang pagkakasuspinde.
Sinabi rin niya na dapat palakasin ng Department of Migrant Workers ang monitoring system nito sa mga OFWs sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng regular na pagbisita sa kanilang mga pinagtatrabahuan, gayundin ang mga psychological exams upang suriin ang estado ng pag-iisip nila.
Source: Senate of the Philippines website