Ipinahayag ni Senador Sonny Angara na ang Libreng Sakay Program, na nakatulong sa mga commuter mula nang magsimula ang pandemya mahigit dalawang taon na ang nakalipas, ay magpapatuloy ngayong 2023.
Sa isang pahayag na inilabas ngayong Miyerkules, ipinaliwanag niya na ang Kongreso ay naglaan ng malaking halaga sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act upang matiyak ang patuloy na operasyon ng programa.
Sa kanyang kapasidad bilang chairman ng Senate Committee on Finance, ipinunto ni Angara na ang Libreng Sakay o PUV Service Contracting Program ng Department of Transportation ay una nang hindi pinondohan sa ilalim ng National Expenditure Program o ang bersyon ng 2023 national budget na isinumite ng Malacañang sa Kongreso noong nakaraang taon.
“The Libreng Sakay program has benefited hundreds of thousands of our commuters, who have been clamoring for its continuation as a way to ease their burden from the rising costs of fuel and basic goods and commodities. These days every peso counts and whatever little savings that could be realized is highly appreciated,” aniya.
Ayon sa mambabatas, kabuuang P2.16 bilyon ang inilaan para sa PUV Service Contracting Program sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act bunga ng inisyatiba ng Kongreso. Kabilang dito ang P1.285 bilyon na programmed appropriations at isa pang P875 milyon na inilagak sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Nagsimula bilang isang paraan upang ibyahe ang mga frontliner sa panahon ng mga lockdown, ang Libreng Sakay Program ay naging isa sa mga mas mabisang hakbangin ng gobyerno sa panahon ng pandemya. Matapos alisin ang mga lockdown, mas maraming tao, kabilang ang mga estudyante at iba pang manggagawa, ang gumamit ng serbisyo ng Libreng Sakay, aniya.
“Malaking bagay ang pagpapatuloy ng Libreng Sakay sa panahon na ito lalo na at mabigat pa din ang pasanin ng karamihan ng ating mga kababayan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Dapat lang natin siguraduhin na sapat ang mga bus na maghahatid sa ating mga mananakay para hindi maipon ang mga pila at makarating ng maayos ang pasahero sa kanilang mga destinasyon,” dagdag ni Angara.
Aniya, 628 bus ang kinontrata para serbisyuhan ang EDSA Busway Route, para serbisyuhan ang hanggang 50 milyong katao, sa panahon ng pagpapatupad ng Libreng Sakay mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2022, batay sa impormasyon mula sa Department of Budget and Management. Bukod sa EDSA sa Metro Manila, ang Libreng Sakay program ay mapapakinabangan rin ng mga commuter mula sa ibang bahagi ng bansa.
Photo credit: Facebook//DOTrPH