Wednesday, January 22, 2025

Anyare Sa Pangako? Revilla Pinapatukoy Ang Sanhi Ng Mabilis Na Pagbaha

12

Anyare Sa Pangako? Revilla Pinapatukoy Ang Sanhi Ng Mabilis Na Pagbaha

12

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Nanawagan si Senador Ramon Bong Revilla Jr. na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Public Works sa pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways (DPWH) na tukuyin ang sanhi ng mabilis na pagbaha at mabagal na paghupa nito kumpara noon.

Ito ay makaraan ang paglubog na naman sa baha ng karamihan ng mga  lugar sa Metro Manila na naging sanhi ng maghapong pagsisikip ng trapiko dahil sa maraming kalyeng hindi madaanan lalo na ng mga maliliit na sasakyan.

Pinakamalala ang sinapit na sitwasyon sa kahabaan ng South Luzon Expressway na hindi na umusad ng halos maghapon mula sa bukana ng Laguna na humaba hanggang Crossing, EDSA.

Ang sanhi ay ang mabababang bahagi ng kalsada na nalubog dahil sa sobrang pagtaas ng tubig kahit hindi naman kalakasan ang ulan at hindi humuhupa na hinihinalang baradong mga daluyan ng tubig baha. 

“Tukoy na kung saan-saan ‘yang mga binabahang parte na ‘yan at hindi natin maiiwasan ang mga pagbaha pero dapat ay pagtigil ng ulan ay mabilis din ang paghupa, kaya dapat na itong aksiyonan” aniya. 

Matatandaang ipinagmalaki pa ng DPWH sa ipinatawag na pagdinig sa Senado noong Marso 8, 2023 ang kahandaan umano ng ahensya at maging ang pumping stations sa buong National Capital Region ay handa na rin na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan, ayon ito sa pahayag ni Public Works Secretary Manuel Bonoan.

“Hinahanap kasi ng mga tao ‘yung sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa, hindi na dapat kasi nangyayari ang ganitong problema kaya dapat ayusin sa lalong madaling panahon” saad ni Revilla.

Marami ang galing sa mga lalawigan na patungong Maynila ang nagpasyang kumain na lamang sa loob ng kanilang mga sinasakyang bus dahil sa gutom at marami rin ang mas minabuti na lang maglakad patungong EDSA dahil sa hindi na umuusad na mga sasakyan. 

“Nag-aalala kasi ako dahil patuloy na magdadala pa ng mga pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha ang low pressure area at ang southwest monsoon o habagat sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na posibleng tumagal pa ng ilang araw”  pagtatapos niya. 

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila