Hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na ipaliwanag ang pagkaantala sa pagsusumite sa Kongreso ng bagong roadmap para sa sektor ng enerhiya at hinimok ang ahensya na gawin ito kaagad.
Ang Philippine Energy Plan (PEP) ng bansa, na aabot hanggang 2050, ay naglalayong pataasin ang paggamit ng renewable energy at makabuo ng energy mix tungo sa isang tinatawag na clean energy scenario.
“Ang Philippine Energy Plan ang magiging pundasyon para sa pagkamit ng mas malinis na enerhiya, pagtataguyod ng ekonomiya, at pagpapahusay ng kapakanan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon sa kanya, dapat makapagsumite ang DOE sa Kongreso ng isang updated na energy roadmap kada Setyembre 15 ng bawat taon na siyang nakapaloob sa Republic Act 9136, na kilala rin bilang Electric Power Industry Reform Act.
“Mahigit tatlong buwan nang overdue ang pagsusumite ng PEP. Kailangang sumunod kaagad ang DOE sa pangangailangang ito,” diin ni Gatchalian. Ang kasalukuyang renewable energy goals ng Pilipinas ay tinatayang nasa 35% pagdating ng 2030 at 50% pagsapit ng 2040.
“Hindi katanggap-tanggap na naantala na nang husto ang pinakahuling energy plan na napaka importanteng dokumento para maisulong nang husto ang sapat at malinis na suplay ng enerhiya sa bansa,” dagdag niya.
Sabi nga mismo ng DOE, ang PEP ay isang komprehensibong roadmap para sa sektor ng enerhiya na titiyak ng isang sustainable, sapat, ligtas, accessible, at makatuwirang presyo ng enerhiya.
Photo credit: Facebook/senateph