Tila umapela si House Speaker Martin Romualdez sa complete ban ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa nang sabihin niyang payag siya sa pagkakaroon nito sa bansa basta susunod sila sa batas ng gobyerno.
Imbes na magkaroon ng mahabang proseso sa pagpapatupad ng POGO ban sa bansa, iminungkahi niya na payagan ang mga ito at hulihin na lamang sila kapag lumabag sa batas.
“Alam mo naman may proseso, idadaan din yan sa proseso sa mga hearings papakinggan natin lahat ng mga stakeholders kung ano ang mga posisyon nila dito at don natin ititimbang kung ano dapat ang pinakamagandang gawin natin,” sambit ni Romualdez.
Aniya, kung ganito ang magiging patakaran ay hindi na lalalim pa ang isyu sa POGO.
“Basta dapat lahat ng mga stakeholders diyan sumunod sa batas at sa mga lumabag sa batas, lagot po kayo sa ating mga law enforcers. Kaya yung kung mga bawal na ginagawa ninyo talagang huhulihin po kayo kaya dapat po sumunod na lang kayo sa batas para hindi kayo magkaka problema.”
Sa kabila nito, nanindigan ang House Speaker na handa pa rin siyang makinig sa kung anuman ang hinaing laban sa POGO at sinabing makikipagtulungan siya upang maayos ang mga suhestiyon ukol dito.
Kasabay ng pahayag na ito ni Romualdez ay iginiit ni Senador Risa Hontiveros na magkaroon ng “complete ban” ang POGO sa bansa. Sa kanyang Facebook post, mariin niyang sinabi na handa siyang paalisin ang POGO operators sa bansa kasama ang ibang senador.
“Malacañang can in fact order a complete ban if it so desires. Iyan din ang tanong ko sa Presidente: bakit nga ba hindi pa ginagawa?” hinaing ni Hontiveros.
Kaugnay ng isyu na ito, maalala ang sunod-sunod pagsalakay sa mga iligal na POGO hub sa iba’t-ibang probinsya tulad ng Pampanga at Tarlac. Bukod pa rito, nakitaan din ang ilang lugar na ito ng mga gamit mula sa Chinese nationals tulad ng army uniform at sergeant badge.