Tinutukan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang pagdami ng Chinese nationals sa bansa matapos niyang madiskubre na binabayaran umano ng mga ito ang ilang Pilipinong abogado para ma-korner ang ibang kababayang negosyante sa bansa.
Sinabi ni Tulfo sa kanyang programa na “Punto Asintado Reload” na may nakapagsumbong sa kanyang tanggapan na tumatanggap ng suhol ang ilan sa mga Pilipinong abogado upang malamangan ng Chinese nationals ang ilang Pinoy na negosyante.
“May kilala ako, hinuli na ng CIDG, ang pinagbintangan niya yung Pilipinong kaibigan niya. Ngayong dinemanda niya yung Pilipinong negosyante. Dinemanda niya ng kidnapping,” pahayag niya.
Iginiit din ni Tulfo ang pagpuksa sa korapsyon sa bansa dahil isa ito sa pinag-uugatan ng mas malaking problema sa bansa. “Ang problema sa atin, marami tayong mga opisyal na korap. Susuhulan lang ng pera.”
Sa kabila nito, nilinaw pa rin niya na mayroon pa rin namang mga matitinong abogado sa kabila ng isyu na ito ngunit dapat pa rin tuldukan ang problemang ito.
Kaugnay ng isyung ito, nauna nang sinabi ni Tulfo na nababahala siya sa pagdami ng Chinese nationals sa bansa kasabay ng mga nare-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs.
“Nakababahala ang patuloy na pagdagsa ng mga Chinese nationals sa ating bansa at ang mas nakababahala ay kung paano sila nakapasok sa atin? Ano ang mga pinanghahawakan nilang dokumento bakit sila nakapagtrabaho ng legal sa ating bansa.”
Ayon pa kay Tulfo, dapat tutukang mabuti ang isyu tungkol sa patuloy pa ring pagdami ng Chinese nationals sa bansa sa kabila ng madaliang pagbibigay ng retirement visas sa mga ito.
“The influx of Chinese nationals has raised concerns regarding the socio-economic impact, including but not limited to labor market dynamics, national security, and public order.” pahayag niya.