“Awkward” umano para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung kusa siyang tatawag ng special session para mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang nitong Martes.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary, Atty. Claire Castro, wala pang anumang kahilingan mula sa Senado para sa isang espesyal na sesyon ng Kongreso upang simulan ang impeachment proceedings laban kay Duterte.
“So, it is better for the Senate to request the President, considering that even the President made this pronouncement that if the Senate will ask him to call for a special session, he will do so,” sabi ni Castro sa mga mamamahayag.
“Kung papansinin niyo po ang (If you will take a look at the) Constitution, the President may call [a] special session anytime,” dagdag pa niya.
May “Gray Area” Sa Konstitusyon?
Inamin din ni Castro na mayroong “gray area” sa Konstitusyon kung maaaring simulan ang impeachment trial kahit nasa recess ang Kongreso.
“If you will look and read the provisions of the Constitution, you will see po, ‘to fortwith proceed’ pero wala pong makikitang time element. Is it to forthwith proceed even during recess? Because they can proceed definitely, if there is session. There’s no question about that. But to proceed during recess, may gray area po iyan sa Constitution,” paliwanag ni Castro.
Ayon pa sa opisyal, maaaring tumawag ng sesyon ang Pangulo para sa impeachment trial “anytime without any condition.”
“So, with that, hindi lang po ito limitado sa kung may urgency patungkol sa bill or legislation. But we believe it includes also the impeachment trial,” dagdag niya.
Senado, Naghihintay Ng Special Session
Matatandaang noong Pebrero 5 ay inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Duterte at agad itong ipinasa sa Senado.
Ang reklamo ay may anim na pangunahing alegasyon na may kaugnayan sa paglabag sa 1987 Constitusyon, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at iba pang batas.
Samantala, sinabi ni Senate President Francis Escudero noong Pebrero 24 na kailangan munang magkaroon ng special session bago opisyal na masimulan ng Senado ang impeachment proceedings.
Photo credit: Facebook/pcogovph, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH