Diretsahang sinabi ni Senator Raffy Tulfo na wala sa plano niya ang tumakbo bilang pangulo sa 2028 kahit na isa siya sa nangunguna sa listahan ng mga presidential bet.
Sa isang interbyu sa ANC Headstart, sinabi ni Tulfo na hindi niya pangarap na tumakbo bilang presidente sa 2028 dahil sapat na sa kanya ang pagiging senador upang maglingkod sa bansa.
“Naka-focus ako ngayon sa Senado and I’m enjoying being a senator. I’m enjoying that much being a senator,” aniya.
Giit pa ng mambabatas, magiging dagdag lamang sa “sakit sa ulo” ang pagtakbo bilang presidente. Sinabi rin niya na mas maraming isyu ang pwede kaharapin kapag tumakbo siya sa pagka-pangulo.
“Sa ngayon pa nga, ang dami ko ng sakit sa ulo, left and right marami nang nagagalit sakin because of all these surveys. ‘Yung mga fake news bina-bash ako, So much more pag ikaw ay nandun na, pag ikaw tatakbo,” dagdag pa ni Tulfo.
Nang tanungin naman tungkol sa kanyang kapatid na si Rep. Erwin Tulfo, nanindigan si Sen. Raffy na susuportahan kung anuman ang maging desisyon nito sa 2028 elections.
“I cant stop my brothers from running or doing what they want to do kasi hindi ko naman sila hawak sa leeg. I’m not my brothers’ keeper ika nga,” dagdag pa ng senador.
Noong nakaraang buwan, nanguna si Sen. Raffy sa 2028 presidential bet survey, matapos makakuha ng 35% preference rate mula sa mga respondents.