Kahit paulit-ulit na sinasabi na gusto na niyang magretiro, tatakbo pa rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City, isang posisyong hinawakan niya nang kabuuang 22 taon.
Nag-file ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) si Duterte kasama ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña, anak na si Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Vice Mayor Jay Melchor Quitain. Nandoon din ang kanyang mga tagasuporta na nagbunyi sa kanyang pagdating.
Tatakbong running mate ni Duterte ang kanyang anak na si Baste habang si Quitain naman ay tatakbo bilang konsehal ng unang distrito. Ang kanya namang apo na si Omar Duterte, na kasalukuyang barangay captain ng Buhangin, ay tatakbo para sa congressional seat ng ikalawang distrito. Samantala, si Rep. Paolo Duterte ay nais mare-elect para sa unang distrito ng Davao.
Sa kabila ng edad, hindi pa rin nagbabago ang estilo ni Duterte. Nang tanungin ng media, muli niyang binanatan ang mga kriminal at adik, sabay banta na uulitin ang kanyang “patayan” kung siya ay muling manalo bilang mayor.
“If I will run as mayor, this early, I’m saying it now, better go to Cebu or Manila, not here in Davao City, because if I become mayor again, you will really die,” saad niya.
Ngunit sa pagkakataong ito, iba na ang political landscape ng Davao, at posibleng makaharap ni Duterte ang isang mabigat na kalaban mula sa isang pamilyang kilala rin sa politika ng lungsod.
Photo credit: Facebook/rodyduterte