Binigyan diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang kanyang opisina ay tumutulong sa lahat ng lumalapit dito may referral man o wala. Aniya, walang bahid ng pulitika sa kanilang serbisyo.
“Bawat araw, kahit walang referral, basta pumunta ka sa tanggapan ng DSWD, tutulungan ka,” pahayag ng kalihim sa isang radio interview.
Nilinaw niyang ang pagproseso ng tulong ay ginagampanan ng mga licensed social workers—na maaaring mawalan ng lisensya kung magpapadala sa pulitika.
Ito’y kasunod ng ulat na di umano’y tinanggihan ng DSWD ang mga referral mula sa Office of the Vice President (OVP). Ayon kay Gatchalian may sapat silang dokumentasyon para pabulaanan ang nasabing balita.
“Walang naitalang tinanggihan. Lahat ng pumupunta, tinatanggap namin,” aniya.
Sa isang pagdinig sa Senado, tiniyak din ng kalihim na hindi selective ang pamamahagi ng tulong ng ahensya, kahit pa galing sa mga referral ng mga kongresista o opisyal.
“Mga social worker natin ang sumusuri. Lahat ng referral ay bine-vet nang mabuti,” aniya bilang sagot sa tanong ni Senador Bong Go tungkol sa umano’y political interference sa distribusyon ng ayuda.
Nilinaw pa ni Gatchalian na ang mga programa gaya ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay tanging pinopondohan mula sa budget ng DSWD.
Binigyang-diin niya na walang sariling pondo ang mga kongresista sa AKAP, matapos sabihin ni Representative Khymer Adan Olaso ng Zamboanga City na sinuspinde ng DSWD Field Office 9 ang isang payout sa kanilang distrito.
“Again, let me just state for the record, wala hong pondo ang congressman [na ginagamit para sa AKAP]. Yung ‘pondo ko,’ wala hong pondo ang congressman. These are department-disbursed funds,” sagot ng kalihim sa Senate panel.
Samantala, nauna nang nilinaw ng DSWD Field Office Zamboanga Peninsula na ang ahensya ang may kapangyarihan sa implementasyon ng AICS at AKAP—at walang specific na pondo para sa isang congressional district ayon sa General Appropriations Act.
Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao na ang ahensya ay sumusunod sa mahigpit na proseso ng validation para maiwasan ang overlap sa ibang programa ng DSWD.
“Lagi naming nililinaw na ang payout activities ay programa ng DSWD, at ang pondo ay mula sa budget ng DSWD mismo,” dagdag ni Dumlao.
Photo credit: Facebook/dswdserves