Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagpasa ng Maternity Benefit for Workers in the Informal Economy Bill, na naglalayong bigyan ng ayuda ang informal workers na hindi ma-access ang mga benepisyo sa ilalim ng Expanded Maternity Leave law.
“Habang tumataas ang presyo ng mga bilihin, dumadami ang mga babaeng magaling dumiskarte ng dagdag kita para sa pamilya. Buo ang loob nilang mabuhay ang pamilya nila nang may dignidad, pero hanggang ngayon, wala pa ring batas para sa kanila. Matagal na silang binabalewala. This legislation seeks to empower them as they empower our economy,” aniya sa isang pahayag.
Sa ilalim ng panukala, magbibigay ang Department of Social Welfare and Development ng isang beses na direktang maternity cash benefit sa bawat panganganak para sa mga hindi regular na miyembro ng Social Security System.
Sa kabilang banda, nanawagan si Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes sa gobyerno na bigyan ng mas madaling medical access ang mga buntis.
“Kailangang maglaan pa tayo ng mas maraming resources para masigurong may sapat at madaling access sa health services ang mga kababaihan sa kanilang pagdadalang-tao at panganganak,” aniya sa isang pahayag.
Ito ay matapos na mapansin ng United Nations Population Fund na ang kawalan ng access sa mga serbisyong pangkalusugan sa panahon ng pagbubuntis at panganganak ay humantong sa pagkamatay ng anim hanggang pitong Pilipinong kababaihan.
Binigyang-diin ni Reyes ang pangangailangang ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga tao, lalo na sa rural areas.
Photo credit: Facebook/LGUlaunion