Dapat ipaliwanag ng economic managers kung bakit mas makabuluhan ang pagdadagdag ng stock ng bigas sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) kaysa sa iba pang mga programa na makakatulong sa mga pamilyang mawawalan ng kabuhayan at magugutom dahil sa El Niño, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
“Dapat munang siguraduhin na may nakalaang ayuda sa mga mahihirap nating kababayan. Noong El Niño ng 2016, maraming laman ang mga warehouses ng NFA, pero ang problema ay walang pambili ang mga mahihirap. Hindi na dapat maulit ang nangyaring karahasan sa Kidapawan dahil ayaw buksan para sa mga nagugutom ang warehouses,” aniya sa isang pahayag.
Dagdag ni Hontiveros, may mga ulat din na nakapagbigay na ng sanitary at phytosanitary clearance para sa mahigit 3 million metric tons ng bigas na aangkatin ng pribadong sektor at halos one-third nito ay dumating na. Sapat yan para punan ang inaasahang kakulangan sa lokal na produksyon.
Gayundin, aniya, ang presyo ng mga pataba ay bumaba nang husto at higit sa doble ang mga badyet para sa mga input at irigasyon para sa sektor ng bigas para sa taong ito. Sapat dapat ito para makapaghanda ng masaganang ani dahil sa dulo pa naman ng taon tatama ang El Nino.
“Kaya kung dadagdagan man ang bigas sa warehouses ng National Food Authority, mas mabuting sa lokal na producers. Tama ang NEDA (National Economic and Development Authority) na dapat para lang sa mga piling lokalidad ang prepositioning ng NFA rice stocks — yung mga isolated at maaaring makaranas ng shortage at pagsirit ng presyo,” pagtatapos ng mambabatas.
Photo credit: Facebook/nfapublicaffairs