Ilang araw matapos ipagmalaki ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang mga natapos na flood control project ng kanyang administrasyon, binanatan ng isang farmers group ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa malawakang pagbaha na nagpalubog sa Metro Manila at ilang lalawigan ng Luzon.
Sa isang pahayag, nananawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa DPWH na isaalang-alang ang multibillion-peso budget nito para sa flood control matapos nawalan ng tirahan ang libu-libong pamilyang nakatira sa mga low-lying area dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Carina at habagat.
“Bahang-baha sa Bagong Pilipinas! Thousands are in need of aid especially those residing in low-lying areas in the National Capital Region and Luzon provinces,” sabi ng KMP.
Kinuwestiyon ng grupo ang paggamit ng DPWH ng P255 bilyon nitong budget para sa flood control projects ngayong taon, at ang P1.079 billion daily allocation nito para sa flood management noong 2023. “Nasaan ang pondo para pigilan ang mga pagbabaha?” tanong ng grupo sa ahensya.
Sinisi rin ng KMP ang mga proyektong inaprubahan ng gobyerno tulad ng reclamation, land-use conversion, logging, at mining na nagpalala sa sitwasyon ng pagbaha.
Matatandaang sinabi ni Marcos sa kanyang SONA na mahigit 5,500 flood control projects ang natapos na at marami pang iba ang kasalukuyang ginagawa sa buong bansa. Aniya, isa na rito ay ang Flood Risk Management Project sa Cagayan de Oro River at Pampanga Bay na magsisilbing karagdagang lunas sa mga pagbaha.