Mariing itinanggi ni Vice President Sara Z. Duterte ang anumang kaugnayan sa extrajudicial killings o EJK, Oplan Tokhang, o anumang koneksyon sa Davao Death Squad.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng biglang paglitaw ng isang testigong nag-akusa sa kanya kaugnay sa mga kontrobersyal na isyu.
Si Duterte, na naglingkod bilang vice mayor at mayor ng Davao City sa loob ng ilang taon, ay nagbigay-diin na hindi kailanman nasangkot ang kanyang pangalan sa mga usaping ito noong siya ay nasa local government. Nagpahayag din siya ng pag-aalinlangan sa biglang paglabas ng isang testigo na nag-akusa matapos siyang mahalal bilang vice president.
“Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako maging akusado sa ICC,” deklarasyon ni Duterte, na nagpapahiwatig na tila sinadya ang pag-atake sa kanya pagkatapos ng kanyang pag-upo bilang vice president.
Pinuna rin niya ang International Criminal Court (ICC) sa pagkakasama sa kanya sa listahan ng mga inaakusahan. Binatikos din ni Duterte ang pananakot ng ICC na makialam sa hudikatura ng bansa bilang pag-atake sa kalayaan ng Pilipinas at paglapastangan sa dignidad ng mga Pilipino.
“Ang pagpupumilit ng ICC na pakialaman ang ating hudikatora ay panghihimasok sa ating soberanya. Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas,” pagdidiin niya.
Sa huli, hinamon ni Duterte ang mga naniniwala sa testimonya ng nasabing testigo. “Wala na itong debate, sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya mag-file kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas.”
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial