Target ng Kamara ang pagbaba ng presyo ng bigas kada kilo na maaaring umabot hanggang trenta pesos ngayong darating na Hunyo ng taong ito.
Ayon ‘yan kay House Speaker Martin Romualdez, iniutos na n’ya sa Kamara ang agarang pag-amyenda ng Rice Tariffication Law (RTL) na ang layunin ay pababain ang presyo ng bigas mula sa P50 hanggang P30 na lamang kada kilo.
“Ginagawa natin ito kasi sabi ng Presidente we have to find ways na ibaba natin ang presyo ng bigas. So ‘yung tinatarget natin na by June, we should bring the price of rice down by at least P10 or even P15, na close to P30 pesos kada kilo,” aniya.
Ayon kay Romualdez, ang pagratipika sa RTL ay ang maaring magbukas ng mas maraming oportunidad na makapag-import ng bigas sa bansapati na rin sa pagpaparami ng stocks ng at iba pang uri ng bigas lalo na ang NFA rice sa ating mga pamilihan.
Kumpyansa rin si Romualdez na hindi ito mapapako dahil aniya, hindi sila titigil na hilingin kay Pangulong Bongbong Marcos ang agarang pagsertipika sa nasabing reglamento upang maisabatas na ito sa darating na Hunyo.
Aniya, malaki ang maitutulong ng RTL lalo na sa patuloy na pagtaas ng inflation rate ng bansa. “Kagaya po ngayon kasi ang init-init ng panahon at saka ‘yung presyo ay tumataas, gagawa tayo lahat ng paraan at ito ang nakikita natin na napakaganda na bago mag sine die tatapusin natin ito sa Kongreso.”
Dagdag pa ni Romualdez, sinusunod lamang nila ang hiling ng pangulo na pababain ang presyo ng bigas upang makatulong sa bawat pamilyang Pilipino.
“Ito po ang gusto talaga ng ating Presidente na ibaba ang presyo ng ating bigas para sa mamamayan. So that’s our announcement because our committee on agriculture, aaraw-arawin nila itong mga hearing para ipasok itong mga amendments para magkakaroon tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa lahat,” pahayag niya.
Hinimok din ni Romualdez ang mga senador na suportahan siya sa agarang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.
“[O]ur friends in the Senate na gawin din nilang urgent para matapos natin at ‘yung ating mamamayan makaka-enjoy ng mas mababang presyong bigas galing sa NFA,” aniya.