Nanawagan si dating Health Secretary at Deputy Majority Leader Janette Garin sa Department of Health (DOH) na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa paglaban sa leptospirosis habang patuloy na tumataas ang mga kaso nito. Ito ay kasunod ng mga ulat ng National Kidney and Transplant Institute na ginagawang ward ang gymnasium nito para ma-accommodate ang pagdagsa ng mga pasyente ng leptospirosis.
Pinuna rin niya ang DOH sa pagkaantala nitong pagtugon sa epekto ng bagyong Carina. “This is a wake-up call to the Department of Health to be more aggressive kasi sa panahon ngayon marami na ang fake news at dapat taboo ang fake news sa Department of Health kasi minsan kuryente rin ang nasasabing mga statements,” aniya, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pagpapakalat ng impormasyon sa gitna ng paglaganap ng fake news.
Binatikos din ni Garin ang paulit-ulit na kabiguan ng DOH na tiyakin ang pagkakaroon ng doxycycline, isang mahalagang antibiotic para sa pag-iwas sa leptospirosis, sa mga lugar na madaling bahain. “Ang problema, may pondo naman para sa libreng doxycycline subalit ang availability on the grounds ay mahirap. Ito ay paulit-ulit natin na hinaing sa DOH pero pinapakinggan lang pero hindi naman [naaksyunan],” aniya.
Dagdag pa ng mambabatas, na isa ring medical doctor, mahalaga ang pag-inom ng doxycycline sa loob ng 72 oras pagkatapos ng exposure sa tubig-baha, kahit para sa mga indibidwal na walang visible na sugat. Hinikayat niya ang publiko na humingi ng agarang medical attention kung makaranas sila ng mga sintomas ng leptospirosis.
Nag-ulat ang DOH ng 67 bagong kaso ng leptospirosis mula Hulyo 14 hanggang Hulyo 27, kaya umabot na sa 1,444 ang kabuuang bilang ng mga kaso ngayong taon kung saan 162 ang namatay.