Nitong nakaraang SONA ninyo ay ipinagmalaki ninyo ang mahigit 5,500 flood control projects sa bansa. Ngunit, sa kabila nito, tila malayo ang realidad para sa marami sa amin na dumanas ng matinding pagbaha dahil sa bagyong Carina.
Ilang araw lang matapos ang inyong SONA, nilubog ng matinding pagbaha ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas may napakalaking P255 bilyong pondo ang DPWH para sa flood management noong 2023, ngunit bakit paulit-ulit ang pagbaha at lumalala pa?
Ang patuloy na pagbaha at paglikas ng libu-libong pamilya ay nagpapakita ng malaking agwat sa pagitan ng mga pangako ng gobyerno at ang aktwal na nangyayari. Kahit na may malalaking pondo at maraming proyekto, tila hindi natutugunan ang inaasahang ginhawa mula sa ating flood management systems.
PBBM, ang pagkakaibang ito ay nangangailangan ng agarang pagsusuri at pananagutan.
Pati sina Senator Francis Escudero at iba pang mambabatas ay nagtatanong sa bisa ng mga flood control measures na ito. Sa pondong ito na mas mataas pa sa mga budget para sa mahahalagang sektor tulad ng kalusugan at edukasyon, ang tanong ko ay totoo bang nagagamit ang mga pondo para maiwasan ang mga pagbaha?
Ang paulit-ulit na pagbaha ay hindi lamang nagpapakita ng pagkukulang sa implementasyon kundi pati na rin ng agarang pangangailangan na suriin at ituwid ang ating mga flood management strategies.
Bilang pangulo, mahalaga na tiyakin ninyo na hindi nasasayang ang pondo ng bayan at ang bawat pisong ginagastos ay nagbibigay ng tunay at pangmatagalang pagbabago.
Hinihikayat ko kayong magsagawa ng pagsusuri sa mga proyekto para sa flood control, dagdagan ang transparency, at makipag-ugnayan sa mga komunidad upang makabuo ng mga solusyon na tunay na makakabawas ng pagbaha at magproprotekta ng buhay at kabuhayan ng bawat Pilipino.
Nagmamalasakit,
Isabela Marie Fernandez
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of Politico.ph’s management and staff.
Gusto mo bang mag-rant? Libre din naman mag-thank you pag ok ang serbisyo. Write ka lang sa DEAR POLITICO! PM ka lang sa aming FB page.