Masaya si Senador Risa Hontiveros sa mabilis na pagkilos ng Philippine National Police (PNP) para tanggalin ang ilang pulis sa kanilang mga puwesto matapos ang raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) firm sa Pasay City noong nakaraang linggo.
Natuklasan sa raid, sa pangunguna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Department of Justice, ang malawakang ipinagbabawal na operasyon sa loob ng anim na palapag na gusali sa Williams Street sa Pasay City.
Ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang pagkabahala tungkol sa pagkakasangkot ng Pasay police officers, “Lantaran pangto-torture at prostitusyon ang mga nangyayari sa isang napakalaking building, pero hindi nila alam? Imposible.”
Inihayag din niya na ang Senate Committee on Women ay magsasagawa ng ocular inspection sa gusali sa Biyernes upang mas maunawaan ang nasabing problema. Ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa PAOCC, Inter-Agency Council Against Trafficking, at PNP Women and Children Protection Center sa pangunguna sa raid at pagliligtas sa mga victim-survivors ng human trafficking.
“Paano nga ba nakalusot ito? The Pasay police officers were either negligent or complicit. Ang nakakabahala baka matagal na silang nasa bulsa ng mga Chinese mafia,” tanong ng mambabatas.
Nabahala rin siya sa posibilidad na may iba pang mga katulad na aktibidad na pinagtatakpan lang ng pulisya sa ibang lugar sa bansa. Nanawagan siya para sa isang komprehensibong imbestigasyon sa naturang mga pattern, at binigyang-diin na ang pulisya ay dapat nagpapatupad ng batas at kaayusan at hindi pinagtatakpan ang mga kriminal na aktibidad.
Ang nasabing POGO raid ay nagsiwalat ng isang nakakagambalang eksena sa loob ng gusali sa Williams Street. Ang pasilidad ay may nine-room KTV area, isang botika na may isang physician at dalawang kama ng pasyente, isang restawran, at isang “shabu-shabu” para sa mga iligal na droga. Bukod pa rito, siyam na money vault ang natuklasan sa lugar.
Photo credit: Facebook/senateph