Buhay na naman ang banggaan ng pamilyang Duterte at Nograles sa Davao City matapos maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) si dating Civil Service Commission (CSC) chair Karlo Nograles upang tumakbo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-alkalde sa lungsod.
Nag-resign si Nograles bilang chair ng CSC noong Oktubre 7 — eksaktong araw na nag-file ng kandidatura si Duterte upang muling maging alkalde ng Davao City. Sa loob ng ilang araw, tahimik si Nograles tungkol sa plano niya pagkatapos maglingkod sa CSC. Pero sa huling araw ng filing ng kandidatura noong Martes, nag-file siya ng kandidatura para sa pagka-alkalde, alas-9:45 ng umaga, at tuluyang hinarap ang dating boss niya sa isang mayoral face-off.
Ayon kay Nograles, hindi siya nagpakilala bilang “anti-dynasty” candidate, pero bilang “choice” ng mga Davaoeños at “chance” na mapabuti ang buhay ng mga tao.
Tumatakbo si Nograles bilang independent candidate. Aniya ito ay para i-welcome ang lahat na suportahan siya.
Kung si Karlo ay tatakbo bilang alkalde, ang kapatid niyang si Representative Margarita “Migs” Nograles ng PBA party list, ay nag-file ng kanyang candidacy para sa unang distrito ng lungsod. Makakalaban niya si Paolo Duterte, ang anak ng dating pangulo.
Kasama ni Migs sa labanan ang isang peace advocate na si Maria Victoria “Mags” Maglana, na isa ring matapang na “anti-dynasty” candidate laban kay Paolo.
Sa paglala ng agwat sa pagitan ng Duterte family at Marcos administration ngayong taon, tila muling bumalik ang agawan ng kapangyarihan ng mga Nograles at Duterte. Parehong abogado ang magkapatid na Nograles, na tila pinipilit bawiin ang naiwan ng kanilang yumaong ama, dating House speaker Prospero Nograles.
Kung papalarin, mababawi ng magkapatid na Nograles ang halos apat na dekadang pamamayagpag ng mga Duterte sa Davao City.
Photo credits: Facebook/rodyduterte, Facebook/knograles