Ipinahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nakatuon ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pangunahing palay-producing areas upang makamit ang target nitong P20 per kilo na bigas.
Sa isang tv interview, sinabi niya na ginagawa ng Marcos administration ang lahat upang mapababa ang presyo ng bigas at iba pang bilihin
“Iyong 20 peso per kilo, as we started out saying, was an aspiration. Ibig sabihin noon, it may not be soon, it may be later… maaabutan din natin iyan,” saad ni Bersamin.
“But you know, factors of production, hindi tayo masyadong ano dahil marami ng areas na hindi na nagpu-produce ng rice…But those areas that are producing rice, we try to maximize iyong production levels nila. That’s another thing that we are doing now in order to reach that aspiration.”
Ayon pa sa kanya, ang ambisyong maabot ang ganoong presyo ng bigas ay hindi malayo sa katotohanan, bagama’t may mga nakakaapekto sa mga inisyatibo ng gobyerno.
Ilan sa mga ito ay ang weather conditions, climate change, at ang nagbabantang El Niño phenomenon na maaaring makaapekto sa agricultural production.
“Pero ginagawa ng gobyerno lalo na iyong Department of Agriculture na experts ay gamitin ito na advantage din kasi there are species of rice that thrive in moderate, even during moderate El Niño—prediction of moderate El Niño occurrences,” giit ng opisyal.
Gumagawa aniya ng paraan ang Department of Agriculture upang hindi masyadong maapektuhan ang produksyon ng bigas.
Hindi naman nagbigay ng timeline si Bersamin nang tanungin kung mayroong timetable ang administrasyon sa pagkamit ng nasabing layunin, ngunit nagpahayag siya ng kumpiyansa na malapit na itong maisakatuparan.
“Hindi ko naman sinasabing matagal na ma-attain iyan; hindi ko rin sinasabing madaling ma-attain iyan. But I am saying that I am very confident that for as long as government is doing things right to attain these goals, that aspiration may soon be realized. Bakit hindi?” aniya.