Hinimok ni Deputy Speaker and Las Pinas Rep. Camille Villar ang kanyang mga kapwa mambabatas sa Kamara na ipasa ang isang panukalang batas na nagbabawal sa patakarang “no permit, no exam” sa mga eskwelahan.
Dahil sa kamakailang mga post sa social media na nagpapakita na ang ilang mga mag-aaral ay kailangang pumila hanggang hatinggabi upang makakuha ng exam permit, binigyang-diin niya sa isang pahayag na oras na para maipasa ang nasabing key reform measure.
“Students should not be barred from taking exams due to their inability to pay tuition and other school fees at the time of their examinations. Hindi lang sa kolehiyo nangyayari ito ngayon kundi pati sa elementary at high school,” hinaing ni Villar.
Bilang isa sa mga pangunahing may-akda ng House Bill 7584 o An Act Allowing Elementary and Secondary Learners with Unpaid Tuition and Other School Fees to Take the Periodic and Final Examinations on Good Cause and Justifiable Grounds, inulit niya na ang panukala, kung maisasabatas, ay magbibigay ng kaluwagan sa mga pamilyang naghihirap.
Magpapatuloy ang mga session sa Kamara sa Mayo 8 pagkatapos ng recess.
Sa ilalim ng panukala, ang mga pribadong eskwelahan ay dapat magkaroon ng mga patakaran para hayaang makapag exam ang mga estudyante kung ang dahilan naman ng hindi nila pagbabayad ng kanilang obligasyon ay emergency, force majeure, o makatwirang rason.
Ang mga magulang o tagapag-alaga naman ay dapat gumawa ng isang promissory note para sa pagbabayad ng utang sa eskwelahan. Hindi dapat lumagpas ang hindi nila pagbabayad sa isang taon maliban na lang kung pumayag ang eskwelahan.
Kapag naisabatas, mapaparusahan na ang mga eskwelahang lumabag dito.
Iginiit ni Villar: “Poverty should not be an issue to get quality education.”
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH