Hiniritan ni dating presidential spokesperson Harry Roque si Pangulong Bongbong Marcos na personal nang magpaliwanag tungkol sa isyu ng paggamit umano ng iligal na droga. Aniya, ito ay upang maliwanagan na ang taumbayan kung si Marcos ay nasa wisyo na maging lider ng bansa.
Kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos ay nagsagawa ng Maisug Rally ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Los Angeles, California kung saan lumutang ang kontrobersyal na “Polvoron Video.”
Isa sa mga tagapagsalita sa nasabing prayer rally ay si Roque na binigyang diin ang pagkakasangkot umano ng pangulo sa paggamit ng iligal na droga.
Aniya, matapos lumabas ang viral video ay wala nang kawala si Marcos sa kanyang umanong mga kasinungalingan at iba pang kahina-hinalang gawain.
“Ngayong gabi Mr. President, dahil ayaw mong sumagot, taumbayan ang manghuhusga. Ang buong mundo ang manghuhusga kung ikaw ay bangag.”
Dagdag pa ng dating presidential spox, halata na wala sa wisyo ang presidente dahil pilit niyang kinakalaban ang mga bansang naging katuwang umano ng Pilipinas noong namumuno si Duterte at nagbigay ng mas maraming investments at turismo sa bansa.
“Imbes na atupagin ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin, ang kakulangan ng trabaho, ang mababang sweldo, walang ibang ginawa kundi maglamyerda at magparty.”
Dahil dito, hinimok niya ang taumbayan na magbigay opinyon sa viral “polvoron video” umano ni Marcos upang mawakasan na aniya ang pagtatago ng pangulo na siya ay lulong sa ilegal na droga.
“Manghusga na kayo matapos makita ang ebisdensya. Ang tanong, Bongbong Marcos, bangag ka ba?”
Ang nasabing “polvoron video” ay inulan ng kritisismo ngunit pinabulaanan ito ng Department of National Defense at ilang government officials tulad ni Ilocos Norte Representative Sandro Marcos at sinabing taktika lamang ito para siraan ang presidente.