Makikialam na si Pangulong Bongbong Marcos sa pagsugpo nang pagbebenta ng mga sanggol online.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), mismong ang pangulo na ang magmamando para sa ikasusugpo ng “illegal online selling” ng mga sanggol sa bansa at upang agarang mapigilan ang pagdami ng mga naitalang kaso.
“Si Presidente na mismo, gusto nang mag-intervene dito sa ating problemang ito. Sa tingin po niya, hindi daw tayo magkaka-progress, walang progression ang Pilipinas kung mayroon tayong mga problema na ganito,” saad ni Justice spokesperson Mico Clavano.
Balak din daw tipunin ng pangulo ang iba’t-ibang sektor ng pamahalaan para matutukan ang problemang ito sa human trafficking.
“Mayroon din po tayong mga reporting mechanisms na talagang baba sa barangay level dahil alam naman po natin na itong krimen na ito ay laging itinatago. So iyong mga leaders po sa mga barangay, mga kagawad, mga community leaders and to those influentials sa kanilang mga komunidad ay puwede ring mag-report sa mga awtoridad.”
Ayon sa datos ng National Authority for Child Care, nakapagtala sila ng 20 hanggang 30 Facebook accounts na kumpirmadong nagbebenta umano ng bata sa social media.
Inilabas ang nasabing record noong matukoy ng DOJ ang mag-asawang ibinebenta ang kanilang sanggol na anak sa halagang P90,000 sa isang online black market. Naaresto ang dalawa matapos ma-aresto sa kanilang meet-up place sa Cavite.
Anila, ang nasabing bentahan ng bata at sanggol sa internet ay maaring matagal nang ginagawa dahil ayon sa imbestigasyon, mas naeengganyo ang mga nagbebenta rito dahil mabilis at “convenient” ang transcations sa social media.