Ibinulgar ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sangkot ang isang tao sa Malacañang sa planong umanong idamay ang ang dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kaalyado nito sa ilegal na Philippine offshore gaming operations (POGO).
Sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kasama ang Committee on Migrant Workers at Public Order and Dangerous Drugs, tungkol sa mga POGO sa Bamban, Tarlac at mga koneksyon ng dating mayor na si Alice Guo, binalaan niya si Jessica Francisco, na kilala rin bilang Mary Ann Maslog, tungkol sa plano.
“For the record, I have information that you are being used to let Alice Guo sign an affidavit that implicates [former] president Duterte, Senator Bong Go, Senator Bato, [former] CIDG chief Romeo Caramat Jr. as the people behind the POGOs,” ayon sa mambabatas.
“Someone from Malacañang was ordering you to do so. I can pin you down. My god! Stop tilting your head! I know that information. Is that correct?” dagdag pa niya.
Bilang pagsuporta sa mga katanungan ni dela Rosa, inusisa rin ni Sen, Jinggoy Estrada kung sino ang sumama kay Francisco nang bumisita siya kay Guo.
Ayon kay Francisco, nakadalawang bisita siya kay Guo at kasama niya ang Intelligence Group ng Philippine National Police (PNP).
Nadawit din si Brigadier General Romeo Macapaz ng PNP Intelligence Group, matapos niyang kumpirmahin na nagboluntaryo diumano si Francisco sa pag-aresto kay Guo sa Indonesia. Ipinangako diumano ni Francisco na mahihikayat niyang bumalik si Guo sa Pilipinas.
Nagalit pa lalo si dela Rosa at iminungkahi na ikulong si Francisco dahil sa umano’y pagsisinungaling nito sa Senado. Dito na rin inusisa si Francisco kung siya nga ba si Mary Ann Maslog, na nadawit sa 1998 textbook scam at diumano’y nameke ng sariling kamatayan.
Tumanggi si Francisco na sumagot tungkol dito, dahil tumatakbo pa diumano ang kaso. Samantala, kinumpirma ng National Bureau of Investigation na si Francisco at Maslog ay iisa, base sa kanilang fingerprints.
Si Maslog, dating textbook agent, ay nasangkot sa P200 million textbook contract scam at sinubukang suhulan ang mga opisyal ng Department of Budget and Management noong 1999. Na-dismiss ang kaso bago pa man maghain ng decision ang Office of the Ombudsman dahil nagsabi ang legal counsel ni Maslog na ito ay patay na.
Photo credit: Facebook/senateph