Kumakailan lamang ay napaulat ang mungkahi ni Tutok To Win Partylist Representative Sam “SV” Verzosa na NO HOMEWORK POLICY kapag weekends dahil naaalarma na daw s’ya sa pagbagsak sa global ranking sa edukasyon ng ating mga estudyanteng KapNoy (Kapwa Pinoy).
Kulelat na raw ang antas ng ating edukasyon. Solusyon: Bawasan ang pag-aral at paggawa ng mga assignments kapag weekdays, at gawing bawal sa weekends.
Ganyan daw kasi sa ilang mga bansang may mataas na antas sa edukasyon, tulad ng Finland, China, Korea, at Japan, na may mababang oras na nilalaan sa homework ngunit mataas ang kalidad ng edukasyon.
Sadyang hindi tumutugma sa aking mababaw na pananaw ang ganitong klaseng argumento sa konteksto dito sa Pilipinas..
Una, kaming mga laki sa hirap, pinalaki sa pangaral na upang maging magaling, maglaan ng maraming oras para sa inaasam na kagalingan. Magkaroon ng katalinuhan o mataas na antas na edukasyon, sakripisyong magsunog ng kilay sa pag-aaral. Maging magaling na atleta sa larangan ng isang sports, aba’y damihan ang ensayo, hindi bawasan.
Ika nga, sa ikagagaling, kasanayan at kaalaman para sa isang larangan ay bubuhusan ng mas maraming oras at dedikasyon. Hindi ‘yung uuntian ang paggawa ng mga kailangang gawin upang maging magaling.
Tuwang-tuwa nito ang aking mga anak at marami kong pamangking nahuhumaling sa mga social media at video games, na sadyang umaagaw na sa atensyon sa mga aralin ng mga kabataang KapNoy. Konting oras sa assignments at wala tuwing weekends, hataw ang saya sa pagtutok sa mga social media at panggigigil sa mga video games.
Ikinumpara po tayo sa ilang bansang mayayaman. Sa akin pong mangilan-ngilang pagkakataong makita ang kondisyon ng mga paaralan sa mga lugar na ito, ah! masasabi kong de-kalidad nga naman ang magiging antas ng edukasyon dahil de-kalidad ang mga pasilidad at mga kagamitang pang-edukasyon sa mga lugar na ito.
Ang aking tumbok, mga KapNoy, hindi yata makatwirang ihambing ang resultang antas ng ating mga mag-aaral sa mga bansang ke-taas ng kalidad at malayong may magandang kondisyon ang mga paaralan kumpara sa karamihang mga paaralan sa ating mahal na bayan.
Ang aking pahiwatig, baka lang mas makabubuting tingnan at suriing maigi ang ating mga pasilidad. Sapat at de-kalidad ba ang mga ito upang pag-aaral ng mga kabataang KapNoy natin ay mapabuti? Marami pa rin yatang mga lugar na ang klase ay ginagawa sa ilalim ng puno? Makakapag-aral ka ba naman ng maigi sa siksikang classroom?
Idagdag pa natin ang kalagayan ng mga sikmura ng maraming mag-aaral. Kondisyong ekonomiya ay mapipilitang maglakad papunta at papasok sa eskwela at may kakarampot na baon. Mahirap makinig at lubusang matuto kapag nadidinig mo ang pagkalam ng sariling sikmura. Ibalik ang Nutri-Bun!
Imungkahi kayang bawal ang overpricing sa presyo ng pagkain sa mga canteen?
Ang aking punto, baka naman may mas mga magagandang mungkahi para pataasin ang antas ng ating edukasyon. Bago pagdiskitahan ang mga assignments, suriin muna ang ilang mas may epekto sa pag-aaral at unahing magmungkahi para dito, para mas win!
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of Politico.ph.