Nagsampa ng ethics complaint sina Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo at BHW Rep. Angelica Natasha Co laban kay Agri Rep. Wilbert Lee nitong Lunes, kaugnay sa umano’y “agresibong asal” ni Lee noong naganap ang plenary debate sa 2025 budget.
Sa isang panayam, sinabi ni Quimbo na isinampa ang reklamo para sa “improper conduct”
ni Lee noong Setyembre 25 habang dinidipensahan ni Co ang budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025.
“We looked at each other, and I knew that based on his hand movements that he was intending to come towards me and I was seeing in his face a form of aggression,” aniya.
Ayon pa sa mambabatas, sinabi raw ni Lee: “Kung hindi niyo ako pasasalitain, manggugulo ako.”
“He started pointing at me, and as he was moving forward because I was so scared, I ducked behind the podium,” dagdag niya.
Inamin naman ni Co na nag-panic din siya noong oras na iyon at hindi alam kung tatakbo o itutuloy ang interpellation. Dahil sa matinding stress, nawalan siya ng malay.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Rep. Wilbert Lee na may balak siyang manakit o manindak. Saad ng mambabatas magpapaliwanag siya sa ethics committee kapag siya ay pinatawag.
Humingi ng paumanhin si Lee sa isang liham noong Setyembre 26 kay Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations. Sinabi niyang nadala lang siya ng “intense passion and sense of duty.”
Ngunit iginiit ni Quimbo na wala siyang natanggap na totoong paghingi ng paumanhin mula kay Lee. Sinabi rin ni Co na humingi nga ng tawad si Lee nang magkasalubong sila noong panahon ng filing ng certificate of candidacy, pero ipinaliwanag niyang ang pagsasampa ng reklamo ay tugon sa ginawa nito.
Ayon kay Quimbo at Co, pinag-isipan nila nang maigi bago tuluyang magsampa ng reklamo laban kay Lee.
Photo credit: Screengrab from Facebook/HouseofRepsPH video